PINAHINTULUTAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Senate Employees Transport Cooperative (SETSCO) na makapagsimulang bumiyahe ang mga modernong jeep na nakaayon na sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nasa kabuuang 15 electric powered jeepney, na may rutang Star City-Cultural Center of the Philippines (CCP) papuntang Philippine International Convention Center (PICC); Government Service Insurance System (GSIS)-Senate papuntang Mall of Asia (MOA) diretso sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at pabalik, ang magsisimula nang bumiyahe ngayong araw, Lunes, Hunyo 18.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ang inisyatibong ito ay manipestasyon na nakikita na ng mga pinuno ng mga transport group ang pangangailangan para sa moderno, makakalikasan, at murang pampublikong sasakyan sa bansa.

“We can really implement this. We are supporting cooperatives as long as they have complete documents and have set proper routes. They are our partners in implementing the PUVMP. They will benefit from this in the end,” pahayag ni Delgra.

Tsika at Intriga

Jen Barangan, rumesbak sa sumitang netizen; tinawag na 'concert police'

Ipinunto naman ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Tim Orbos ang kahalagahan ng ligtas at maayos na mga sasakyan bilang konsiderasyon sa mga pasaherong persons with disabilities (PWDs).

“The modern public transport should not only be safe and comfortable. This must be availed of by everyone, including senior citizens as well as PWDs,” ani Orbos.

Ang SETSCo, na binubuo ng 22 drayber ng jeepney at operator na pinamumunuan ni Remedios Ventura, ay kabilang sa tatlong transport cooperatives na pinayagan ng LTFRB na makilahok sa inisyal na implementasyon ng PUVMP.

Isinagawa ang pagpili ng Office of the Transport Cooperative (OTC), na ang rekomendasyon ay nakabatay sa magandang katayuan ng kooperatiba, kakayahang pinansiyal at ang naitatag na nitong samahan.

Nagbigay ang LTFRB ng tulong pinansiyal nitong nakaraang taon para sa unang 250 units para sa Senate Employees Transport Service Cooperative, Inc., na bumabiyahe sa rutang Senate-PICC ; Taguig Transport Service Cooperative papuntang Taguig City-Pasig City; at ang Pateros-Fort Bonifacio Transport Service Multi-Purpose Cooperative na may rutang Pateros-Fort Bonifacio.

Naglalaan ang DoTr ng P80,000 subsidiya para sa bawat drayber at operator na susunod sa PUVMP na sakop ang 5 porsiyento ng loan mula sa Landbank of the Philippines na maaaring bayaran sa loob ng pitong taon sa interes na 6%.

Una nang sinabi ng ahensiya na ang unang grupo ng e-jeepney ay masisimula nang bumiyahe ngayong buwan sa ilang bahagi ng Metro Manila.

PNA