Sa kagustuhang hindi magutom ang dalawang anak, balik-kulungan ang isang tricycle driver matapos maaresto dahil sa pagnanakaw sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Sa panayam kay SPO3 Alex Manalo, ng Station Investigation Unit (SIU), kinilala ang inaresto na si Rebey Mendoza, 24, ng No. 103 MPC Area B., Barangay 154 Talipapa, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Regor Germedia, pinasok ng suspek ang bahay ni Evelyn Yabut sa Barangay Ugong, Valenzuela City at tinangay ang telebisyon nito, dakong 2:00 ng madaling araw.

“May nakakita na witness na kaibigan nitong si Evelyn na bitbit daw nitong si Mendoza yung TV, kaya nagsumbong itong testigo sa victim,” ani PO2 Germedia.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Agad ini-report ni Evelyn sa barangay ang nangyari at dinakip ang suspek at nabawi ang telebisyon.

Ayon sa suspek, kaya niya nagawang magnakaw ay dahil nagugutom ang kanyang mga anak.

Sa record ng awtoridad, nakulong na ang suspek ng isang taon at pitong buwan sa kasong pagnanakaw sa Caloocan City at kalalaya lamang nito noong Disyembre 14, 2017.

Nahaharap si Mendoza sa kasong theft.

-Orly L. Barcala