Sumakabilang buhay si dating National Security Adviser Roilo Golez matapos makaranas ng heart attack sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Naglingkod si Golez, 71, ng anim na termino bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Parañaque City kung saan pinamunuan nito ang House Committeee on Public Order and Safety at Committee on National Defense and Security sa huling dalawang termino nito noong 2007 at 2010, ayon sa pagkakasunod.
Naging kritiko rin siya ng China sa patagong pag-agaw nito sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Itinalaga siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang national security adviser nang magtapos ang ikaanim nitong termino bilang mambabatas ng Parañaque City.
Nakilala si Golez dahil sa matindi niyang pagtutol sa isinusulong na reproductive health bill at ang pagbibitiw nito sa Marcos government noong 1980’s.
Kaugnay nito, iniutos na ni Speaker Pantaleon Alvarez na i-half mast ang bandila ng House of Representatives bilang pakikidalamhati nito sa pagkamatay ng kongresista.
Ayon kay Parañaque City Gus Tambunting, isinugod pa si Golez sa St. Luke’s Medical Center–Global City sa Taguig kung saan ito binawian ng buhay bandang 10:00 ng umaga.
Ben R. Rosario