Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na humalik sa mas maraming babaeng magboboluntaryo kahit pa umani siya ng batikos sa paghalik niya sa isang Pinay sa South Korea kamakailan.

Sa inagurasyon ng Mactan Cebu International Airport Terminal 2 nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na mahigit isang libong babae na ang kanyang nahalikan sa labi, at iginiit na ang pagkahumaling niya sa mga babae ay dahil sa “biology”.

“What about the kiss? Halik… Sabi ko kung may volunteer ngayon. Eh ano?,” sabi ng Pangulo, na umani ng halakhakan ng mga nakikinig. “It’s biology. You don’t need it? I do. Talagang ganun lang. That’s the long and short of it.”

Sinabi ni Duterte na estilo na niya ang panghahalik sa babae bilang pulitiko, inaming namimigay siya ng baller sa mga babae kapalit ng paghalik sa labi ng mga ito noong nangampanya siya sa pampanguluhan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“I really embrace and kiss people. Huwag lang ‘yang pedophile ka. But yung magaganda, hinahalikan ko talaga,” ani Duterte. “Maybe I have kissed a thousand ladies on the lips. ‘Yun ang style ko sa pulitika, but you know it’s—it leaves a bad taste in the mouth.”

Tinawag ni Pangulong Duterte na “showbiz and everybody enjoyed it” ang paghalik niya sa Pinay na si Bea Kim nang humarap ang una sa Filipino community sa South Korea. Sinabi na ni Kim na walang malisya ang nasabing halik.

Kaugnay nito, nilinaw ni Rev. Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs (CBCP-ECPA), na hindi “immoral” ang paghalik, subalit kung may malisya ay maaari itong humantong sa pagkakasala.

“Kissing per se is not immoral. But, it may be an occasion to sin. There is an innocent kiss and a kiss that’s part of one’s culture,” sinabi ni Secillano sa panayam sa kanya ng Radyo Veritas.

May ulat ni Mary Ann Santiago

-GENALYN D. KABILING