Tiniyak kahapon ng Malacañang na walang sakit si Pangulong Duterte sa kabila ng pag-amin ng Punong Ehekutibo na dumanas siya ng migraine at nagsuka habang bumibiyahe pauwi sa bansa mula sa Seoul, South Korea.

Sa kanyang pahayag pagdating sa bansa nitong Miyerkules ng gabi, inamin ng Pangulo na sumuka siya sa biyahe dahil sa iniinda niyang migraine.

Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pabalik-balik lamang ang migraine ng Pangulo simula nang maaksidente ito sa motorsiklo noon.

“This has been a recurring problem of the President. Nagkakaroon siya ng matinding migraine from time to time. He says this is related to an earlier motorcycle accident that he suffered. But it comes and goes,” paglilinaw kahapon ni Roque.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Ayon kay Roque, ngayon lang niya nakitang sinumpong ng migraine ang Pangulo simula nang maging tagapagsalita siya nito noong Nobyembre 2017.

“But I think it’s the first time I saw him suffer from this migraine. And yes, sinabi naman niya na he was sick on the flight because of migraine,” paliwanag ni Roque. “Otherwise his health is good.”

Una nang inihayag ng pangulo na kinausap niya si Roque na humingi ng paumanhin sa mga pasahero dahil hindi na niya (Duterte) kayang maglibot at batiin ang mga ito, gaya ng nakagawian na niya, dahil na rin sa kanyang migraine

-Argyll Cyrus B. Geducos