Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) na magtayo ng sarili nilang 911 emergency call centers para mapabilis ang rescue operations sa malalalang sitwasyon.
Sinabi ni DILG officer-in-charge (OIC) Eduardo M. Año na ang hakbang ay susuporta sa paglalagda kamakailan sa executive order na pinagtitibay ang 911 bilang national emergency hotline number ng bansa.
Sa paglalagda nito, tiniyak ni Año sa publiko ang mas pinabuting emergency assistance services sa crime prevention, public order, at public safety.
“We welcome President Duterte’s signing of Executive Order No. 56 because this reinforces the administration’s efforts to better serve the public by providing them prompt and efficient assistance in times of emergencies through hotline 911,” sinabi ni Año.
Hinikayat din niya ang mga ahensiya ng gobyerno at LGUs na nagkakaloob ng emergency aid na kaagad ikonekta ang kanilang mga sistema sa 911 para gawin itong nag-iisang emergency hotline number.
“Let us not confuse the public with many hotline numbers. As directed by the President, let 911 be the sole number for emergency assistance,” dugtong niya.
Noong Mayo 25 nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 56 na nagtatatag sa emergency 911 hotline bilang nationwide emergency answering system, kapalit ng Patrol 117.
Sa kasalukuyan mayroong walong emergency call centers sa buong Pilipinas na may 169 manpower na humahawak sa 911 emergency calls.
“Help should be within the reach of every Filipino in dire situations even in the farthest cities and towns. Local governments should therefore prioritize the setting up of their local 911 call centers to assure immediate emergency aid,” banggit niya.
Nagbabala ang DILG chief sa publiko laban sa mga peke at kalokohang tawag sa 911 dahil may katumbas itong parusa alinsunod sa batas.
-Chito A. Chavez