1-2-3 sa Philippine Army thrower
ILAGAN CITY – Walang duda na napakahusay na coach ni dating SEA Games champion Danilo Fresnido.
Sa pambihirang pagkakataon, nakaharap ng 31-anyos na si Fresnido ang mga estudyante sa national pool na sina Melvin Calano and Kenny Gonzales. At, sa hindi inaasahang pagkakataon, nadaig ang javelin throw SEAG titlist, ng kanyang mga estudyante sa pambihirang 1-2-3 ng Philippine Army finish sa men’s category ng 2018 Ayala Philippines Athletics Championships nitong weekend sa City of Ilagan Sports Complex sa Isabela.
Inagaw ni Calano ang titulong ‘ Javelin King’ sa kanyang coach na si Fresnido sa naibatong 63.55 meters para makopo ang gintong medalya sa isa sa pinakahuling event sa limang araw na torneo.
Nakamit ni Gonzales ang silver medal sa distansiyang 62.29 metro, habang bumuntot sa kanila si Fresnido sa layong 61.31 metro.
“Bawi lang. Tinalo po kasi ako ni coach last year,” pahayag ni Camarines Norte-native Calano, tersera kina Fresnido at Gonzales sa 2017 edition ng National Open.
Sa pagkakataong ito, ipinadama ni Calano, 2017 Southeast Asian Games bronze medalist, na panahon na para mamayagpag sa sports.
Bago ang tagumpay sa APAC, humakot si Calano ng tatlong bronze meda sa torneo sa Thailand, Singapore at Taiwan.
Tangan ang personal-best na 68.95 metro, target ni Calano na ma-improved ang performance sa kanyang pagsabak sa Thailand at Korea national open sa susunod na buwan.
Sa kabila ng kabiguan, hawak pa rin ni Fresnido, isang Sarhento sa Philippine Army, ang men’s javelin record na 72.93 metro na nagawa niya noong 2009 SEAG sa Laos.
“Magandang makipag-compete sa mga mas batang athlete para ma-inspire sila,” pahayag ni Fresnido.
Bukod na magsilbing inspirasyon, sumabak si Fresnido sa torneo bilang bahagi ng pagsasanay para sa pagsabak sa World Masters Athletics Championships sa Setyembre sa Spain.
“Medyo may edad na tayo, pero kaya pa,” pahayag ni Fresnido, three-time SEAG gold medalist at two-time Asian Games’ participant.
“Matagal kasi ang progress ng thrower. Mahaba ang training ng javelin throw. Unti-unti. Pero tingin ko, mga three years, aabot na itong mga batang ito sa 70 (meters),” aniya.
Sa women’s shot put, nangibabaw ang karanasan ni Philippine Army’s Narcisa Atienza at Rosie Villarito sa tinapos na 1-2 finish sa distansiyang 13.10 metro at 11.68 metro, ayon sa pagkakasunod.
Sa girls’ discus throw, nangibabaw si De La Salle University’s Daniela Daynata sa layong 40.80m laban kina Ainah Marie Masangkay (36.56m) ng RunRio – University of the Philippines at Cleofe Bagto (30.65m) ng Team Baguio City.
Sa 5,000-meter walk, nakopo ni Run Rio’s Alan Julianne Halaguena ang gintong medalya sa tyempong 37 minuto at 17.5 segundo kontra kina Sally Campus (32:11.5) at Team Titus’ Juliana Talaro (32:29.5).
Sa unofficial medal tally, nanguna ang Run Rio na may 14 gintong medalya, kasunod ang Dasmarinas at Philippine Army na amy 11 at 10 ginto, ayon sa pagkakasunod.