CEBU CITY- Papasok ngayon sa eskuwela si Jeralden Castellano bilang Grade 7 sa Maribago High School, isa sa milyun-milyong dadagsa sa mga paaralan para simulan ang bagong school year.

Subalit hindi ordinaryong estudyante ang 12-anyos na si Jeralden. Kinilala siya kamakailan ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang isang “modern-day hero” matapos niyang iligtas ang kanyang mga kapatid mula sa nasusunog nilang bahay sa Lapu- Lapu City, Cebu noong Abril 10.

Isinagawa nitong Biyernes ang seremonya sa Parklane Cebu International Hotel, sa pangunguna ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Eduardo Año.

Nagpamalas ng katapangan si Castellano nang pasukin niya ang nagliliyab nilang bahay upang iligtas ang kanyang mga kapatid na sina Merry Jeralen, 7; Dante, Jr., 6; Junreel, 2; at Merry Girl Castellano, limang buwan.

National

VP Sara sa PMA graduates: ‘Wag maging kasangkapan ng pagtatraydor ng mga nasa kapangyarihan’

“Hindi ako natakot. Iniligtas ko sila dahil mahal ko sila,” sabi ni Jeralden.

Sinagip din niya ang tatlong taong gulang na kapatid na si Merry Julian, pero binawian din ito ng buhay.

“Sinubukan ko ring iligtas siya, pero ‘di ko na nagawa dahil lumaki na ang apoy. Hindi ko na maabot ang kamay ni Julian kasi nahulog ako sa hagdanan,” kuwento ni Jeralden.

Sobrang ipinagmamalaki ni Dante, 42, ama ng magkakapatid na Castellano, ang kanyang panganay.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan ako ng anak na gaya niya. Napakatapang niya,” sabi ni Dante, na naka-duty sa isang construction company nang mangyari ang insidente.

“Hindi ko alam kung paano niyang nagawa ‘yun kasi nung dumating na ako, naapula na ‘yung sunog,” sabi ni Dante.

-Calvin D. Cordova