By Bert de Guzman
TOTOO kaya at dapat paniwalaan ang pahayag ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano (APC) na handa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na makipaggiyera sa China o sa alin mang bansa kapag tinangka nilang ma-exploit ang likas na yaman ng karagatan sa West Philippine Sea (WPS)?
Tiniyak ni Secretary APC ang kahandaan ni PRRD na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa pagsasalita niya sa harap ng DFA officials na dumalo sa lingguhang flag ceremony noong Lunes sa kanilang tanggapan sa Roxas Boulevard.
Ayon kay Cayetano, makikipaggiyera si Mano Digong sa alin mang bansa na kukuha ng natural resources sa WPS. Sa balita noong Martes (“Du30 ready for war in West PH Sea”), sinabi umano ng Pangulo na “Bahala na”. Dagdag ni Cayetano: “Pero handa siya sa giyera.” Ang ibig sabihin ng ‘bahala na’ ay ano man ang mangyari sa pakikipaggiyera ay okey lang.
Parang nag-iiba yata ang tono ng ating Presidente ngayon.
Medyo napikon si Sec. Alan tungkol sa mga nagtatanong kung ilan talaga ang mga isla sa Pilipinas. Lalo siyang napikon nang may sumagot kung ang bilang ng mga isla ay bago naging Pangulo si Mano Digong o nitong siya na ang nakaupo sa puwesto.
Hindi nagustuhan ni Sec. Cayetano ang implikasyon ng tanong at sagot na nai-post sa Facebook na nabawasan umano ng teritoryo ng Pinas dahil sa pagsasawalang-kibo ni PDu30 sa patuloy na pag-okupa ng China sa mga reef ng China sa WPS.
Marami ang nagsasabing dapat ay kumibo si Pres. Rody sa ginagawa ng China sa mga reef na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ), at hindi laging ang sambit (defeatist talk) ay hindi kaya ng PH na makipaggiyera, sa dahil pupulbusin lang ng Chinese military ang AFP at PNP. Hindi naman natin intensiyon, ayon sa kanila, na makipag-away sa dambuhalang China ni Xi Jinping kundi ipababatid lang natin na pagmamay-ari natin ang mga teritoryong inookupahan nila.
Sa gayon, malalaman ng China na salungat ang PH sa kanilang aktibidad sa WPS sapagkat kung hindi kikibo ang Duterte administration, aakalain ng dragong nasyon na okey lang sa kanila ang pag-okupa at militarisasyon. Samakatwid, kung kikibo at magpoprotesta ang Pilipinas, malalaman ng mga kaalyadong bansa, tulad ng US, Japan, Australia at iba pa na hindi natin nagugustuhan ang ginagawa ng China sa WPS. Baka tulungan tayo.
Sa labis na pagkapikon ni Sec. Alan Peter Cayetano tungkol sa mga alegasyon na pinababayaan ng administrasyon na sakupin ng China ang teritoryo natin sa WPS, hinamon niya ang sinumang makapagpapatunay na nawalan o naagawan ang PH ng teritoryo, at agad umano siyang magbibitiw at hindi na tatanggap ng anumang puwesto sa gobyerno.