Ni Mary Ann Santiago
Pinayuhan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng Spam Classic at Hormel Food Black-Label Luncheon Loaf, dahil posibleng kontaminado ito ng maliliit na piraso ng metal.
Una nang binawi sa merkado ang ilang batch ng mga naturang produkto ng Hormel Food Corporation na nakabase sa Amerika at nagmamay-ari sa mga brand name na Spam® Classic at Hormel Food Black-Label Luncheon Loaf.
Ayon sa kumpanya, maaaring may maliliit na piraso ng metal ang mga naturang produkto, na maaaring magdulot ng pinsala sa mga makakakain nito, kaya naman boluntaryo na nitong ni-recall ang nasabing produkto.
Alinsunod sa Advisory No. 2018-193 ng FDA, binawi na sa merkado ang Spam® Classic Luncheon Loaf na may “Best by” date na Pebrero 2021 at product codes na FO20882, FO20883, FO20884, FO20885, FO20886, FO20887, FO20888 at FO20889; gayundin ang Hormel Food Black-Label Luncheon Loaf, na may “Best by” date na Pebrero 2021, at may product codes na FO2098 at FO2108.
Ang mga naturang impormasyon ay makikita sa ilalim ng mga nasabing de-lata.
Bagamat sa Amerika at Guam lamang nai-distribute ang nasabing mga produkto, pinayuhan pa rin ng FDA ang mga Pilipino na mag-ingat dahil posibleng nakaabot ang mga nasabing de-lata sa lokal na merkado.
Ayon sa FDA, sakaling mabili ang mga naturang produkto ay kaagad itong sirain o isauli kung saan ito nabili.