Arestado ang umano’y financier ng isang drug den at 10 nitong tauhan sa isang anti-drug operation sa Cainta, Rizal, kahapon ng umaga.

Ayon kay Calabarzon Police Regional Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, sinalakay ang isang drug den, na tinaguriang “Little Tawi-tawi”, na matatagpuan sa Sitio Dulong Parola, sa Barangay San Andres sa bisa ng search warrant na inilabas ni Executive Judge Agripino Morgan ng Regional Trial Court Branch 29-32 ng San Pablo City, Laguna.

Kabilang sa dinakip sina Daniel Cabra, Jr., umano’y financier ng nasabing drug den; Bernie Tenedero; Jun Abeleda; Jamuel Calapotot; Martin Baluya; Lanie Rafol; Maricel Soriano; Ednalyn Calumpiano; Mary Amor Lingat; Jayson Zaidey Delos Santos; at Jonnel Arendon.

Sa ulat ni Supt. Arturo Brual, hepe ng Cainta Municipal Police Station (MPD), sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Cainta MPS, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Special Operation Unit ng PRO 4A ang naturang drug den, dakong 5:30 ng madaling araw.

VP Sara, nakiisa sa Pista ng Imaculada Concepcion

Sinasabing talamak ang bentahan at paggamit ng ilegal na droga sa naturang lugar.

Aniya, isang depressed community ang lugar na may maliliit na eskinita kaya mahirap para sa awtoridad na pasukin at halughugin ito.

Nakumpiska ng awtoridad ang tinatayang 20 gramo ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P136,000; dalawang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, na aabot sa P2,000; at dalawang kalibre .38 ng baril at mga bala nito.

-Mary Ann Santiago