PORMAL nang inihayag ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang mga nominado sa 41st Gawad Urian na gaganapin sa Hunyo 14 (Huwebes) sa ABS-CBN Vertis Tent at eere ng live sa Cinema One, 7 PM.

Cinema One Channel head Ronald Arguelles (ikaapat mula kaliwa) kasama sina Butch Francisco, Nicanor Tiongson, Rolando Tolentino, Grace Alfonso, at Gary Devilles

Nangunguna ngayong taon ang pelikulang Respeto na may 12 nominasyon kasama ang Best Picture, Best Director para kay Treb Monteras II, at Best Actor para sa rapper-actor na si Abra. Sumusunod naman ang Best Picture nominees na Balangiga: Howling Wilderness na may 10 nominasyon at Tu Pug Imatuy na may siyam na nominasyon. Kabilang din sa Best Picture nominees ang The Chanters na may pitong nominasyon, at Birdshot at Bhoy Intsik, na parehong may tig-anim na nominasyon.

May tig-anim ding nominasyon na ang mga pelikulang Changing Partners, Ang Larawan, at Kita Kita.

Luis Manzano, nag-react sa resulta ng 2024 MMFF Gabi ng Parangal

May temang Pinoy music ang Gawad Urian 2018 dahil musical ang tatlo sa mga nangungunang pelikula, ang Respeto, Ang Larawan, at Changing Partners.

Paparangalan din ang jazz pianist, composer, arranger, at musical director na si Winston Raval (Vanishing Tribe) bilang Natatanging Gawad Urian awardee. Mahigit 20 pelikula na ang ginawan niya ng film scoring. Kinilala rin si Winston bilang Best Musical Director para sa Ikaw Ay Akin sa 1977 Urian Awards.

Samantala, kabilang sa Best Actress nominees sina Alessandra de Rossi (Kita Kita), Joanna Ampil (Ang Larawan), Angeli Bayani (Bagahe), Gloria Diaz (Si Chedeng at Si Apple), Dexter Doria (Paki), Jally Nae Gilbaliga (The Chanters), Agot Isidro (Changing Partners), Elizabeth Oropesa (Si Chedeng at Si Apple), Bela Padilla (100 Tula Para Kay Stella), Angellie Nicholle Sanoy (Bomba), at Malona Sulatan (Tu Pug Imatuy).

Bukod naman kay Abra, sina Empoy Marquez (Kita Kita), Nonie Buencamino (Smaller and Smaller Circles), Timothy Castillo (Neomanila), Noel Comia Jr. (Kiko Boksingero), Allen Dizon (Bomba), RS Francisco, (Boy Intsik), Jojit Lorenzo (Changing Partners), Sandino Martin (Changing Partners), at Justine Samson (Balangiga: Howling Wilderness) ang inihayag na Best Actor nominees.

Kabilang din sa mga nominado bilang Best Director sina Arnel Barbarona para sa Tu Pug Imatuy, Sigrid Andre Bernardo para sa Kita Kita, Khavn de La Cruz para sa Balangiga: Howling Wilderness, Joel Lamangan para sa Bhoy Intsik, James Robin Mayo para sa The Chanters, at Mikhail Red para sa Birdshot.

Nominado naman sa Best Supporting Actress sina Yayo Aguila para sa Kiko Boksingero, Angeli Bayani para sa Maestra, Shamaine Buencamino para sa Paki, Jasmine Curtis-Smith para sa Siargao, Chai Fonacier para sa Respeto, Nathalie Hart para sa Historiographika Errata, Odette Khan para sa Bar Boys, Menchu Lauchengco-Yulo para sa Ang Larawan, at Gloria Sevilla para sa Maestra.

Para sa Best Supporting Actor, nominado sina John Arcilla (Birdshot), Robert Arevalo (Ang Larawan), Romulo Caballero (The Chanters), Dido de la Paz (Respeto), Pio del Rio (Balangiga: Howling Wilderness), Nor Domingo (Respeto), Ronwaldo Martin (Bhoy Intsik), Jess Mendoza (Sa Gabing Nanahimik ang mga Kuliglig), at Arnold Reyes (Birdshot).

Sina Ryan Cayabyab (Ang Larawan), Arnel Barbarona (Tu Pug Imatuy), Vincent de Jesus (Changing Partners), Jay Durias (Respeto), Erwin Fajardo (The Chanters), Khavn (Balangiga: Howling Wilderness), at Lutgardo Labad at Odoni Pestelos (Smaller and Smaller Circles) ang nominado para sa Best Music.

Ang mga nominado at mananalo ay pinipili ng kapisanan ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na binubuo ng mga natatanging pangalan sa industriya sa pangunguna ng pangulo na si Rolando Tolentino kasama ang mga miyembro na sina Grace Javier Alfonso, Butch Francisco, Bienvenido Lumbera, Miguel Rapatan, Benilda Santos, Dr. Nicanor Tiongson, Tito Genova Valiente, Patrick Campos, Shirley Lua, at Gary Devilles.

Abangan ang 41th Gawad Urian sa Cinema One (SkyCable ch. 56, Destiny Cable Digital Channel 56, at Destiny Analog Ch. 37) sa darating na Hunyo 14, 7pm.

Magaganap naman ang kauna-unahang CineManunuri Film Festival, sa pakikipag-ugnayan ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at ng Cinema Centenario, sa darating na Hunyo 15 hanggang 29 tampok ang mga nominado at mga magwawaging pelikula sa Gawad Urian 2018.

Upang makita ang kumpletong listahan ng mga nominado, bisitahin lamang ang www.cinemaone.ph at ang www.manunuri.com. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang official Facebook page ng Cinema One (www.facebook.com/Cinema1channel).