Ni JIMI ESCALA

MARAMING taga-showbiz ang lumahok sa katatapos na barangay elections. Siyempre, hindi pa rin natinag ang incumbent barangay chairman ng Longos, Malabon City na si Angelika dela Cruz.

Muling inihalal ang Kapuso actress bilang pinuno ng mga nasasakupan niya. Kasama rin niyang nanalo ang kapatid niyang si Erick dela Cruz bilang kagawad ng Barangay Longos.

Nagwagi ring chairwoman ng Barangay Tambo, Parañaque City ang misis ni Vandolph Quizon na si Jenny Salimao-Quizon. Si Vandolph ay kasalukuyang konsehal ng Parañaque. Siyam na taon ding nanilbihan bilang konsehala ng kanilang siyudad ang kanyang inang si Alma Moreno.

Tsika at Intriga

GAT members, nag-sorry na rin sa lumutang na leaked video kasama ang BINI

Nanalo rin bilang chairman ng Barangay North Boulevard, South Kaunlaran, Navotas City si Direk Toto Natividad.

Siyempre, kuntodo suporta kay Direk Toto ang King of Primetime na si Coco Martin at kasama pa ang ilang artista ng Ang Probinsiyano.

Ang aming kaibigang talent coordinator ng mga ABS-CBN shows na si Lydia “Tang” Adriano ay nagwagi rin bilang chairwoman ng Brgy. 284 Zone 74 ng Quezon City.

Samantala, pinasalamatan namin ang malalapit sa aming mga taga-showbiz na malaki ang naiambag sa pagkapanalo namin bilang kagawad sa Barangay Uno Dos Tres ng District One ng Tondo, Manila. Nanalo rin ang pamangkin naming si Jhaycel Escala bilang SK Chairwoman sa barangay namin.

Maraming salamat, kina Boy Abunda, Luis Manzano, Sunshine Cruz, Sheryl Cruz, Precious Hipolito Castelo at Master Joey Cruz.