PNA

TINIYAK ni House Appropriations Committee chair at Davao City Rep. Karlo Alexei B. Nograles na maipatutupad na ngayong pasukan sa Hunyo ang libreng matrikula sa 114 State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa, mula sa inilaang P40 bilyong pondo ng pamahalaan para 2018 budget.

“Napopondohan na po itong libreng tuition at libreng miscellaneous sa kolehiyo,” pahayag Nograles sa isang pagpupulong.

Naging basehan ni Nograles ang Republic Act 10931 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Aug. 3, 2017, nagtatakda ng universal at inclusive access sa dekalidad na edukasyon para sa lahat ng SUCs, mga lokal na unibersidad at kolehiyo (LUC) at mga tech-voc institution na pumasa sa Commission on Higher Education (CHED).

“Tuloy na tuloy na po ito for the school years 2018-2019. Ngayong June na po ang libreng tuition at libreng miscellaneous,” ani Nograles.

Sinabi niya na may sariling bersiyon ang Senado sa legislative process na sumasakop lamang sa lahat ng SUCs. Ngunit nakita umano ng Kongreso ang pagiging limitado ng panukala.

“Pinalawak po namin sa version ng House of Representatives, hindi lamang yung SUCs, kundi pati na rin ang mga local universities and colleges (LUCs), pati yung sa TESDA-run technical-vocation institutions,”

Sa bagong batas, aniya, kabilang ang probisyon sa Tertiary Education Subsidy (TES) para sa mga nagnanais mag-aral sa mga pribadong institusyon at unibersidad gayundin ang student loan program.

Ibinahagi rin niya ang hirap na pinagdaan bago maipasa ang batas dahil sa mas malawak ang sakop nito na nangangailangan din ng mas malaking pondo upang maipatupad.

Ayon kay Nograles, kabilang sa bagong batas ang probisyon sa Tertiary Education Subsidy (TES) para sa mga nagnanais mag-aral sa mga pribadong institusyon at unibersidad. Nakapaloob din dito ang student loan program, unified student financial assistance system at pondo mula sa pamahalaan na nakaayon sa isinusulong ni Pangulong Duterte na mapalawak ang sakop ng tersyarya at libreng edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino, higit sa mahihirap na mag-aaral.

“Pinirmihan ni Presidente Duterte ito, dahil nakikita niya ang malaking pakinabang at kapakanan para sa ating mga kabataan,” ani Nograles, na idinagdag na may ilang nagpayo sa Pangulo na huwag lagdaan ang panukala dahil sa kakailanganing malaking pondo at pagkukuhanan nito.

“Sa pagpupuyat at pagsusumikap po natin, nakapaghanap po tayo ng PHP 40 billion at yan ay nakapaloob sa 2018 Budget kaya sure na sure po tayo na ngayong June, dahil tayo po ang naglaan ng pondo para maimplement,” paliwanag pa niya.