Ni Jun Fabon

Nasawi ang isang empleyado ng Quezon City Hall makaraang magulungan ng rumaragasang dump truck sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Supt. Roldan S. Sarmiento, hepe ng Traffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), ang nasawi na si Jordan Bardoquillo, 25, binata, empleyado sa Quezon City Hall, at nakatira sa Sapphire Street, Barangay Payatas B.

Kaagad na binawian ng buhay si Bardoquillo dahil sa matinding pagkalasog ng katawan.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Kusa namang sumuko ang driver ng dump truck (RDS-1866) na si Rene Cardinal Pamoran, 34, may asawa, tubong Bacolod City, at nakatira sa Quezon Avenue.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Alfredo B. Moises, bandang 3:00 ng umaga nang mangyari ang trahedya sa Payatas Road.

Galing sa Montalban, Rizal ang truck at matulin umanong binabaybay ang Payatas Road patungo sa direksiyon ng Litex sa Bgy. Commonwealth nang biglang humampas umano sa truck ang motorsiklo ni Bardoquillo, na tumilapon hanggang nagulungan ng sasakyan.

Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center ang biktima.