Ni Reggee Bonoan

PANG-APAT ang Pilipinas sa napili ng Hallo Hallo Entertainment na pinamumunuan ni Paulo Kurosawa sa nagkaroon ng franchise ng AKB48, ang pinakasikat na All Girl group sa Japan na nagsimula noong 2006.

MNL 48 copy

Ang ibang bansa na mayroon na rin nito ay ang Taiwan (TPE48), Bangkok (BNK48), at Jakarta (JKT48)

Ellen Adarna, nag-face reveal ng baby girl nila ni Derek Ramsay

Ayon kay Mr. Kurosawa, napili nila ang Pilipinas dahil nalaman niya na maraming talented young girls dito kaya nakipag-partnership siya sa ABS-CBN para sa MNL48 segment ng It’s Showtime noong Setyembre 21, 2017 at nagsimulang umere nitong Enero 20, 2018.

Nagsimulang maglibot ang grupo ni Mr. Kurosawa sa buong Pilipinas para sa nationwide registration at audition tour noong Oktubre 14 at ang grand audition naman ay ginanap sa ABS-CBN compound noong Disyembre 2-3 na umabot sa 4,135 ang dumating na aspirants.

Ipinakilala kamakailan sa members ng entertainment media ang napiling MNL 48 nitong nakaraang Lunes sa Hive Hotel at dito nga sila nagkuwento ng kanilang journey habang isinasagawa ang kumpetisyon.

Ang MNL48 ay kinabibilangan nina Sheki, Abby, Sella, Tin, Zen, Alice, Trixie, Ella, Ash, Gabb, Jem, Sayaka, Faith, Lara, Grace, Quincy, Alyssa, Erica, Nice, Joyce, Kyla, Dian, Belle, Jan, Dana, Aly, Mari, Gia, Daryll, Van, Essel, Jaydee, Shaina, Kay, Ruth, Sha, Shaira, Brei, Lei, Jewel, Hazel, Necca, Mae, Ecka, Thea, Princess, Madie, at Cess.

Ayon kay Ginoong Kurosawa, ang top 7 ay ipadadala sa Japan para sa masinsinang training sa AKS at magkakaroon din ng recording contract sa Star Music at kapag okay na lahat ay magkakaroon sila ng sariling show sa AKB 48 Theater sa 2019.

Ang top 7 ay sina Shekinah Igrata Arzaga, ang tinanghal na Center Girl; Abelaine Saunar Trinidad; Marsela Mari dela Cruz Guia; Christine Ann Coralde Coloso; Zennae Abale Inot; Alice Margarita Reyes de Leon; at Sharlene Trixie Caceres Tano.

Kuwento ng organizer ng MNL 48 sa Pilipinas na si Gio Medina, hindi nag-aaral sa regular school ang grupo na in-enroll na sa homeschool.

Sabi ng isang MNL 48 member, “Galing po ito sa puso namin na mag-sacrifice po ng life namin to serve and to inspire people lalo na po sa mga millennials and to the youth po.

“As an idol po, we MNL 48 of first generation we will prove to the young people to strive para maging successful po at sana makatulong kami kasi kami po ‘yung pinili sa Pilipinas.”

Wala lang maisagot ang MNL 48 kung ano ang eksaktong projects na gagawin nila sa Japan dahil on process pa raw ito at malalaman lang nila kapag nandoon na sila.

Hindi kasama ang mga magulang ng MNL48 sa pagpunta sa Japan pero tiniyak naman ng organizers na safe ang mga dalagita dahil may handlers silang mga kasama at higit sa lahat ay hindi na sila mga menor de edad.

Nabanggit din ng organizer na hindi sila magkakaproblema sa DOLE dahil 16 years and below ang kinakailangang may permiso.

Patuloy na mapapanood ng mga tagasubaybay ang MNL48 ang journey nila sa official Facebook page at YouTube channel ng grupo.