Ni Clemen Bautista

ISA sa mga buwan sa kalendaryo ng ating panahon na masasabing hinihintay sumapit ng ating mga kababayan ay ang Mayo. Bahagi ito ng mainit at maalinsangang tag-araw na kung minsan ay may nararanasang pag-ulan. At kung sa kasagsagan ng init ng panahon ay may nararanasang pag-ulan, tinatawag itong AGUA DE MAYO. Kapag malakas ang ulan, sinasamantala ng mga bata, lalo na ang mga may bungang-araw, na maligo upang mapawi ang kati at ang nadaramang init at alinsangan ng panahon.

Ang Mayo ay itinuturing ding Buwan ng mga Bulaklak at panahon ng kapistahan sa iba’t ibang bayan at barangay sa mga lalawigan. Sa pagdiriwang, kasabay ang pagbibigay buhay sa iba’t ibang tradisyon na sinimulan ng ating mga ninuno at minana ng mga sumunod na henerasyon. Ipinagpatuloy ang pagdiriwang sapagkat naglalarawan ito ng ating lahi, na bukod sa may sense of history ay mayroon ding sense of culture and tradition. Naging bahagi na ito ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Sa pagbibigay-buhay sa mga namanang tradisyon, nakikita rin ang hospitality ng mga Pilipino sa mga panauhin at mga dayuhan. Ang pagkakaisa sa pagbibigay-buhay sa tradisyon at kultura. Sa pagdiriwang ng mga kapistahan, ang Mahal na Birhen ang karaniwang pinaka-patroness sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan. Sa gabi ng kapistahan, ang imahen ng Mahal na Birhen na nakalagay sa karosa o andas ay nagagayakan ng mga bulaklak. Bilang bahagi ng kapistahan, magalang na ipinuprusisyon ang Birhen. Bahagi na rin ito ng pasasalamat.

Ang mga tradisyong ito ay nakaugat na sa kulturang Pilipino, kasabay ng pamumukadkad ng mga bulaklak ng mga halaman at punongkahoy. Tulad ng Fire tree na sa kasagsagan ng pamumulaklak ay parang apoy na nagliliyab. Sa mga halaman ay mababanggit naman ang Sampaguita, Kampupot, at Ilang-Ilang. Magkakasamang tinutuhog ang nasabing mga bulaklak sa sinulid o hibla ng abaka. Ginagawang kuwintas at ginagamit sa “Flores de Mayo” sa mga simbahan at kapilya tuwing hapon. Inaalay ng mga may panata at debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Sa pag-aalay ng mga bulaklak, pagkatapos ng pagdarasal ng rosaryo, ang pagninilay sa araw ng pag-aalay ay inaawitan ng “Dios te Salve Maria, llena eres de gracia (Hail Mary,full of grace...) nang tatlong beses. Sumasagot naman ang mga mag-aalay ng bulaklak ng: “Santa Maria madre de Dios...). Kasunod nito, pipila sa gitna ng simbahan ang mga mag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. Aawitin naman ng choir ang DALIT -- awit na parangal at papuri sa Mahal na Birhen. Narito ang ilang halimbawa ng inaawit na Dalit: “Halina at magsidulog,/ kay Maria na Ina ni Hesus/At ating tanang tinubos/ nitong Poong Mananakop;/ Sintahin natin at igalang/ yamang siya’y ating Ina./Halina’t dumulog tayo/ Dine sa Birheng Ina ng Berbo; /Halina’t idulog dito/ Mga bulaklak sa Mayo./ Umasa tayo’t maghintay/ sa balang ipagtalaga.

Ang mga mag-aalay naman ng bulaklak ay sumasagot ng, “Halina’t tayo’y mag-alay ng mga bulaklak kay Maria”. Ang Flores de Mayo ay nagsisimula ng Mayo Uno at natatapos ng Mayo 31.

Ang pag-aalay ng mga bulaklak ay simbolo na ang Mahal na Birheng Maria, sa paniniwala at pananaw ng maraming Katolikong Pilipino, ay bahagi na ng buhay at pag-ibig ng ating bansa. Si Mama Mary ang ilaw at pag-asa sa nakalipas na maraming daang taon. Sa panahon man ng kalamidad, kapayapaan, ‘di pagkakaunawaan, kabiguan at tagumpay, at mga pagsubok.

Ipinakikita ng mga pagdiriwang ng kapistahan ang mukha at yugto sa buhay at kultura ng ating mga kababayan. Sinasalamin ang mga tradisyon, pinatitibay ang kasalukuyan at nagbibigay ng magandang pananaw at pag-asa sa hinaharap.