Ni Mary Ann Santiago

Patay sa mga rumespondeng pulis ang riding-in-tandem, na responsable sa pamamaril at pagpatay sa isang matadero at pagkasugat ng isang rider, sa Cainta, Rizal kamakalawa.

Ayon kay Region 4-A Regional director, Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, kinilala ang isa sa mga suspek na si Oscar Caisip, batay sa identification (ID) card na nakuha sa kanya, habang ang isa pang lalaking suspek ay kinilala sa alyas na Ruby.

Sina Oscar at Ruby ang itinuturong bumaril at pumatay kay George Domantay, 44, ng Bankers Village, Guitnang Bayan 1, San Mateo, Rizal. Sila rin ang dahilan ng pagkakasugat ng rider na si Japhet Cartagena, 27, ng Narra Street, Barangay Amihan, Project 3, Quezon City.

National

Hontiveros, umaasang wala nang ‘another Alice Guo’ na tatakbo sa 2025

Sa report ni Police Supt. Arturo Brual, hepe ng Cainta Municipal Police Station, kay Eleazar, nagbabantay ang kanyang mga tauhan sa Police Assistance Desk para sa Alay Lakad Procession sa Ortigas Ave Extension, kanto ng A. Bonifacio Avenue, sa Bgy. Sto. Domingo, Cainta, nang makarinig ng mga putok ng baril at agad rumesponde, dakong 8:45 ng gabi.

Nasilayan ng mga pulis na papatakas na ang mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo habang si Domantay ay duguang nakahandusay.

Tinamaan ng ligaw na bala si Cartagena, sakay din sa motorsiklo, na napadaan lamang sa lugar.

Sa halip na sumuko sa rumespondeng mga p u l i s , nagpakawala ng bala ang mga suspek at pinaharurot ang motorsiklo patungo sa Taytay, Rizal.

Hinabol at pinagbabaril ng awtoridad ang mga suspek at tuluyang bumulagta.

Tinangka pang isugod sa ospital si Domantay ngunit huli na ang lahat.

Narekober mula kay Caisip ang isang kalibre .45 baril, tatlong magazine at 19 na bala; habang isang .9mm pistol, isang magazine at pitong bala ang narekober mula kay Ruby.