Himalang buhay na nailigtas ang isang 52-anyos na Mount Everest guide matapos siyang maiulat na nawawala sa loob ng isang linggo at pinagluluksaan na ng kaniyang pamilya.
Batay sa ulat ng international media, ang guide ay kinlalang si Hillary Dawa, na huling nakita noong Biyernes, Mayo 29, na nahiwalay sa kaniyang kliyente at climbing team, na nauna nang makababa sa kanilang base camp bago magtapos ang climbing season.
Noong mga araw din ng kaniyang pagkawala, naiulat din na nawalan na ng pag-asa ang pamilya ni Dawa na matatagpuan siya kaya sinimulan na nila ang funeral ritual para sa kaniya.
Gayunman, umaga ng Huwebes, Hunyo 4, natagpuan ng cleaning crew na Sagarmatha Pollution Control Committee si Dawa na gumagapang sa yelo, pababa sa Khumbu Icefall.
Bilang parte ng rescue operation, nilipad si Dawa ng isang rescue helicopter patungo sa HAMS Hospital sa Kathmandu, Nepal, kung saan, hinihintay siya ng kaniyang pamilya.
“We first heard that he was still alive on the local news and from a person we know who called with the news that ... he is being brought down,” saad ng asawa ni Dawa na si Damu Sherpa.
Ang naging survival ni Dawa ay itinuturing na himala ng mountaineering community ng Nepal dahil sa matinding kondisyon ng klima sa Mount Everest.
Ngunit bilang Sherpa, na grupo ng Tibetans na naninirahan sa kabundukan ng Himalayas, kilala ang mga ito sa mahusay nilang pagtahak sa Mount Everest.
Kaya kalauna’y sila na ang nagsilbing gabay sa trekkers at mountain climbers na nais akyatin at abutin at taluktok ng Mount Everest.