Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang beripikadong banta sa seguridad bago ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y closed-door meeting sa pagitan ni Interior Secretary Jonvic Remulla at mga matataas na opisyal ng pulisya.
Sa isang press briefing noong Biyernes, Hunyo 5, 2026, sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co na bahagi lamang ng regular na tungkulin ng kalihim ang naturang pagpupulong at hindi ito dapat bigyang-kahulugan bilang isang emergency meeting na may kaugnayan sa banta sa seguridad.
“There is nothing unusual or nothing urgent about the meeting and it’s normal and routine exercise of the Secretary’s authority over the PNP to set direction, align priorities as well as ensure all the programs and the operations of the PNP are consistent with the administration’s peace and order agenda,” paliwanag ni Co.
Inilabas ng PNP ang paglilinaw matapos mabanggit ang umano’y intelligence reports na nagsasabing may ilang grupo na nagpaplanong lusubin ang Malacañang sa kasagsagan ng mga aktibidad para sa Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Co, wala pang natatanggap ang pulisya na anumang beripikadong impormasyon na sumusuporta sa naturang mga ulat.
“We have received no validated intelligence regarding any such threats on Independence Day but we assure the public that the PNP remains ready, vigilant, and fully deployed to ensure the safety and security of all Independence Day celebrations across the country,” diin niya.
Sinabi rin ng opisyal na nakahanda na ang mga operational plan para sa Hunyo 12 at bahagi na ng taunang gawain ng PNP ang paghahanda para sa seguridad ng mga pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Dagdag pa niya, mayroon nang mga contingency plan ang PNP at isinasaalang-alang na rin nito ang mga nakaraang insidente na maaaring magsilbing batayan sa pagpapalakas ng seguridad sa mga susunod na okasyon.
Kasabay nito, hinimok ni Co ang publiko na maging maingat at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang kalituhan at pangamba sa publiko habang nalalapit ang pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.