Ni Orly L. Barcala

Sa pinagtibay na disciplinary hours ng Navotas City, ang mga magulang o guardians ang paparusahan sa oras na lumabag ang kanilang mga anak na menor de edad.

Ito ay matapos lagdaan ni Mayor John Rey Tiangco ang implementing rules and regulation (IRR), para sa disciplinary hours o curfew sa mga kabataan na nasa edad 17-pababa.

Base sa City Ordinance No. 2017- 16, na pinagtibay sa City Council, bawal magpakalat-kalat sa lansangan ang mga menor de edad mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sa oras na may lumabag sa ordinansa, ipatatawag ang magulang ng bata at isasailalim ang mga ito sa community service, para sa unang paglabag; at pagmumultahin, para sa ikalawang paglabag.

“Hangad namin na maituro sa kabataang Navoteño ang kahalagahan o values ng disiplina at pagsunod. Gusto rin nating masiguro na parati silang ligtas at napapangalagaan ang kanilang kapakanan,” sabi ni Tiangco.