Nina FER TABOY at AARON RECUENCO

Dinukot ng umano’y mga miyembro Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang babaeng pulis sa Patikul, Sulu, nitong Linggo ng hapon.

Sa datos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, nakilala ang dalawang dinukot na sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Leonardo Gumahad, parehong nakatalaga sa Crime Laboratory ng Police Regional Office (PRO)-9 sa Zamboanga City.

Kasamang dinukot ng dalawang pulis sina Jakosalem Ahamad Blas at Faizal Ahidji.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kagagaling lamang ng dalawang pulis sa isang kampo ng militar sa lugar at pabalik na sa kanilang puwesto sakay sa tricycle nang harangin sila ng nasa 10 armadong lalaki na umano’y miyembro ng ASG, sa pangunguna ng isang Mujir Yada, dakong 12:40 ng tanghali.

Ayon sa pulisya, simula nang mangyari ang pagdukot ay hindi pa nakikipag-ugnayan sa pulisya ang mga suspek para sa posibleng pagpapalaya sa apat na bihag.

Tiniyak naman ni Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na patuloy ang isinasagawa nilang hot pursuit operation laban sa nasabing grupo.