Nina Bert De Guzman at Genalyn D. Kabiling

Duda ang mga kongresista na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtungo sa Philippine Rise (Benham Rise) para ipahayag sa mundo na saklaw ito ng teritoryo ng Pilipinas.

Para kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, “publicity gimmick” lamang ito ng Pangulo tulad ng political gimmick niya noong 2016 campaign na sasakay sa jet ski patungong Panatag Shoal at itatanim ang bandila ng Pilipinas at sabihin sa China na teritoryo ito ng Pilipinas.

Ayon kay Erice, bakit magtutungo sa PH Rise ang Presidente gayong ang West Philippine Sea ang dapat na unahing puntahan dahil patuloy itong inookupahan ng China.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Nagtataka naman si Akbayan Rep. Tom Villarin kung bakit magtutungo sa PH Rise si Duterte gayong sinasakop ng China ang mga reef ng bansa.

Sinabi ni Magdalo Rep. Gary Alejano na kung nagsasawalang-kibo ang Pangulo sa isyu ng West Philippine Sea, malamang na “maskara” at gimik lamang ang plano nitong pagtungo sa PH Rise

‘TOTALLY OURS’

Idineklara naman ni Duterte kahapon na walang ibang nagmamay-ari sa PH Rise kundi ang Pilipinas sa gitna ng plano niyang pumunta sa undersea region sa hilagang silangan ng Luzon para igiit ang sovereign right at jurisdiction ng Pilipinas dito.

Inamin ng Pangulo, ipinagbawal ang foreign marine exploration sa lugar na dating kilala bilang Benham Rise, na “sensitive” siya sa teritoryong ito ng bansa.

“Gusto ko lang magpunta doon just to make a statement,” ani Duterte sa press conference sa Davao City kahapon ng umaga.

“Dito sa Benham Rise, I’m quite sensitive on that because, you know, what happened. Ayaw ko ng banggitin. But that Benham Rise or Philippine Rise now, it’s totally ours,” aniya.

Sumumpa ang Pangulo na makikipagdigma sa alinmang nasyon na aagawin ang kontrol at pag-aari sa PH Rise. Ang undersea region, may lawak na 24 milyon ektarya, ay matatagpuan sa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas.