Ni Bella Gamotea

Nanganib ang buhay ng isang lalaki makaraang sapakin at saksakin sa mukha ng suspek na kinumpronta nito sa Muntinlupa City, nitong Huwebes ng hapon.

Nilalapatan ng lunas sa ospital si Jonathan Tapia y Rosario, 23, ng Sitio Niño, Barangay West Cupang, Muntinlupa City, na nagtamo ng saksak at pasa sa mukha.

Agad namang naaresto ang suspek na kinilalang si Steve Ramirez y Turingan, 36, ng 32 KM West Service Road, Bgy. Cupang ng nasabing lungsod.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang panununtok at pananaksak sa Sitio Niño, bandang 3:00 ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, kinumpronta ni Tapia si Ramirez kaugnay ng panggugulpi umano ng huli sa kaibigan ng una na si Dennis Albert Cabreros.

Ikinagalit umano ito ng suspek at biglang sinapak ang biktima bago sinaksak sa mukha.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawang tumakbo ng biktima ngunit sinundan siya ng suspek.

Dito na nakialam ang ilang residente at inawat ang suspek at inaresto habang isinugod naman sa ospital ang biktima.