Ni Reggee Bonoan

“ANG happyyyy lang ng morning ko dahil sa’yo, mula noong nag umpisa ako, baguhan ako, minahal mo ako ng buong buo at hanggang ngayon di man tayo laging nagkikita ramdam ko pa rin ang pagmamahal mo, saludo ako sayo inay, sa kabaitan mo at sa pagiging totoong tao mo, at gusto ko lang sabihin, kinilig ako kagabi pagdating mo sa bahay ko, dati pinapanood lang kita sa tv at sinehan sa Nasipit, pero kagabi nasa bahay kita kasalo sa pagkain, kakwentuhan, kahalakhakan ahaha dreams do come true talaga!! #thankuLORD. Love you inay Maria, forever fan mo ako, hinding hindi magbabago yan. Love you, love you my forever idol!! #happiness #kinilig #angsaya #fangirl#happyandcontent #blessed #grateful #mygreatestlove. Happyyyyyy morning.”

sYLVIA AT MARICEL copy

Ito ang caption ni Sylvia Sanchez sa litrato nila ni Maricel Soriano na pinost niya sa kanyang Instagram nitong Lunes ng umaga.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Tinext namin si Sylvia kung bakit sila magkasama ni Maricel at kung may pagsasamahan ba silang pelikula.

“Wala (kaming pelikula). Matagal na kaming nagkakayayaang ipagluluto ko siya. Idol ko ‘yan di ba?” sabi sa amin.

Ang saya-saya ng puso ng lead star ng Hanggang Saan dahil nakasama niya sa isang hapunan ang kanyang idolo na siya pa mismo ang nagluto.

Parati namang ikinukuwento ni Ibyang kung sino sa showbiz ang mga idolo niya at dahilan kung bakit siya nagpursigeng maging artista bukod sa pangangailangan ng pamilya niya.

Nang mapanood ni Sylvia si Sharon Cuneta sa pelikulang Sana’y Wala Nang Wakas sa sinehan sa Butuan City ay talagang nagdesisyon na siyang luluwas siya ng Maynila para mag-artista.

At siyempre, si Maricel na talagang gustung-gusto ni Sylvia ang pagiging mataray ng aktres at halos lahat ng pelikula nito ay pinapanood niya dahil gusto niya ang mga karakter nito sa pelikula.

Ikatlo si Congressman Vilma Santos-Recto dahil sa career path nito na nagsimula bilang artista hanggang sa naging public servant, pero wala raw sa isipan ni Sylvia na pasukin ang pulitika.

Lagi rin namang binabanggit ng aktres na gusto niyang maka-trabaho ang mga idolo niya.

Anyway marami pa palang pasabog na magaganap sa kuwento ng Hanggang Saan sa nalalapit na pagtatapos sa Biyernes dahil maski nakakulong na si Jacob (Ariel Rivera) ay nagagawa pa rin nitong maghasik ng kasamaan para makaganti sa pamilya ni Sonya Alipio (Sylvia).

Naunang ipadukot ni Jacob ang asawang si Jean (Teresa Loyzaga) para hindi madamay sa gagawin niyang paghihiganti base sa umereng episode nitong Lunes.

Inamin ni Jacob kay Jean na bukod kina Paco (Arjo Atayde) at Domeng (Yves Flores) ay kasama rin si Anna (Sue Ramirez) sa kanyang mga gagantihan.

Nagkagulo na naman sina Paco, Domeng at Anna dahil nawawala sina Sonya at Jean.

At dahil sa biglaang pagpunta nina Paco, Anna at Domeng sa kulungan ay nabuking nilang lumalabas pala ng selda niya si Jacob dahil sa koneksyon ng tiyuhin nitong kurakot na may kasabwat sa gobyerno.

Abangan ang huling dalawang araw ng Hanggang Saan sa ABS-CBN pagkatapos ng Asintado.