May 22, 2026

Home BALITA Internasyonal

Xi Jinping, pabor ding mabuksan ang Strait of Hormuz!—Trump

 Xi Jinping, pabor ding mabuksan ang Strait of Hormuz!—Trump
Photo courtesy: via AP News

Inihayag ni US President Donald Trump na pumayag umano si Chinese President Xi Jinping na dapat muling buksan ng Iran ang Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas.

Ayon kay Trump, napag-usapan nila ni Xi ang lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan sa kanilang pagpupulong sa China. Gayunman, wala pang opisyal na pahayag mula sa China na nagpapatunay na makikialam ito upang kumbinsihin ang Iran na buksan muli ang nasabing daanan.

“I’m not asking for any favors because when you ask for favors, you have to do favors in return,” pahayag ni Trump nang tanungin kung nangako ba si Xi na pipigilan ang Iran.

Nauna nang isinara ng Iran ang Strait of Hormuz matapos ang mga pag-atake umano ng Estados Unidos at Israel noong Pebrero 28, 2026. Bunsod nito, naapektuhan ang malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis, dahilan upang sumirit ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?

Internasyonal

WHO, nababahala sa ‘scale and speed’ ng Ebola outbreak; 134 suspected deaths naitala

Tinatayang halos ikalimang bahagi ng oil supply sa buong mundo ang dumaraan sa Strait of Hormuz bago ito isinara.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ng foreign ministry ng China na hindi na umano dapat nagkaroon pa ng digmaan at wala nang dahilan upang magpatuloy ito.

Samantala, muling iginiit ni Trump na nais lamang ng Estados Unidos na matiyak na hindi makagagawa ng nuclear weapon ang Iran at maibalik ang normal na operasyon sa mahalagang shipping route.

“We don’t want them to have a nuclear weapon, we want the straits open,” ani Trump habang nasa Beijing kasama si Xi.

Patuloy namang itinatanggi ng Iran na gumagawa ito ng nuclear weapons, bagama’t tumatanggi itong itigil ang nuclear research at isuko ang stockpile ng enriched uranium nito.

Sa panig naman ng Iran, sinabi ni Foreign Minister Abbas Araqchi na nakatanggap sila ng mensahe mula sa Estados Unidos na bukas pa rin umano ito sa pagpapatuloy ng negosasyon.

“We hope that, with the advancement of negotiations, we will reach a good conclusion so that the Strait of Hormuz can be completely secured and we can expedite the normalisation of traffic through the strait,” ani Araqchi.

Dahil sa patuloy na tensyon, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado habang nangangamba ang mga bansa sa posibleng mas matinding krisis sa suplay ng enerhiya kapag hindi agad naresolba ang sigalot.