Nanawagan si Sen. Raffy Tulfo para sa isang transparent at patas na imbestigasyon kaugnay ng naganap na insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13, na ayon sa kaniya ay nakaapekto na sa normal na operasyon ng institusyon.
Sa kaniyang inilabas na pahayag noong Sabado, Mayo 15, 2026, sinabi ni Tulfo na naaalarma siya sa epekto ng insidente hindi lamang sa seguridad ng Senado kundi maging sa pagpapatuloy ng mga mahahalagang panukalang batas na nakabinbin sa kapulungan.
“Nakakalungkot na maraming mahahalagang panukalang batas ang nakahanda na para sa sponsorship ngunit patuloy na nade-delay dahil sa kaguluhan sa Senado,” pahayag ng senador.
Ayon kay Tulfo, mahalagang mabigyang linaw ang tunay na nangyari upang maibalik ang kaayusan at tiwala sa loob ng Senado, lalo na’t mandato umano ng mga senador na maipagpatuloy ang paggawa ng batas para sa kapakanan ng publiko.
“Dapat magkaroon ng isang transparent na imbestigasyon sa mga nangyari at lumabas ang katotohanan upang bumalik na sa normal ang aming trabaho at magawa namin ang mandatong ipinagkatiwala sa amin ng taumbayan," dagdag niya.
Kasunod ito ng pagkakasuspinde kay Senate Sergeant-at-Arms Acting Chief Mao Aplasca, na umaming siya ang unang nagpaputok ng baril sa kasagsagan ng insidente. Nangyari umano ang pamamaril kahit may mga empleyado ng Senado at mga mamamahayag sa loob ng gusali.
Binigyang-diin din ni Tulfo na hindi lamang isang panig ang dapat managot sa nangyari. Ayon sa kanya, dapat ding imbestigahan at papanagutin ang isang umano’y asset ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabing gumanti rin ng putok sa gitna ng komprontasyon.
Para sa senador, mahalagang manaig ang integridad ng Senado higit sa anumang personal o pampolitikang interes.
“Ang pagpapanatili ng integridad at kredibilidad ng Senado ay dapat manaig higit sa pulitika at pansariling interes,” ani Tulfo.
Dagdag pa niya, nararapat lamang na mapanagot ang sinumang lumabag sa batas o naglagay sa panganib sa seguridad ng mga tao sa loob ng Senado upang maiwasan na maulit ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang detalye ng pamamaril at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot sa insidente.