INAASAHANG higit na mag-iinit ang labanan sa taunang selebrasyon ng Aliwan Fiesta, sa paglahok ng 20 nagagandahang dilag sa timpalak ng Reyna ng Aliwan, na gaganapin sa maningning na mga pagtatanghal sa ika-27 at 28 ngayong Abril.

Inilahad na ng Manila Broadcating Company ang listahan ng mga kalahok sa taong ito, na suportado muli ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at mga lungsod ng Maynila at Pasay.

Mula sa Luzon sina Karla O’ Hara bilang kinatawan ng Panagbenga Festival ng Baguio; Chanel Mistyca Corpuz para sa Abrenian Kawayan Festival ng Abra; Joy Mayanne Barcoma para sa Talong Festival ng Villasis, Pangasinan; Lady Justerinnie Santos na kinatawan ng Singkaban Festival ng Bulacan; Micaela Manuel para sa Halaman Festival ng Guiguinto; Radhell Berbon dala ang Tagultol Festival ng Atimonan; Ella Mariz Cayabyab para sa Boling-Boling Festival ng Catanauan; Ashanti Shane Ervas, kinatawan ng Niyogyugan Festival ng lalawigan ng Quezon; at si Maristela Santiago, representante naman ng Tayo Na sa Antipolo Maytime Festival.

Hindi magpapaawat ang mga Bisaya. Ipapadala ng Caluya, Antique si Joyce Marie Sebio para sa Binirayan Festival. Kinatawan naman ng Iloilo Paraw Regatta si Keziah Bartolome. Susubukan ni Shaila Mae Rebortera na mapanatili ang korona sa Sinulog Festival ng Cebu, at lalaban naman nang husto si Chelsea Fernandez ng Sangyaw Festival ng Tacloban para sa mga Waray.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Mula sa Mindanao, buo ang delegasyon ng kariktan mula sa Region 12: Arl Banguerigo para sa Munato Festival ng Saranggani; Sharifa Mangatong Areef Mohammad Omar Akeel para sa Kalimudan Festival ng Sultan Kudarat; gayundin sa mga taga- General Santos City na sina Novie Shane Leonerio para sa Tuna Festival at Elizabeth Bills para sa Kalilangan Festival. Kinatawan naman si Chrislyn Jabonero ng Kalivungan Festival ng North Cotabato.

Manggagaling naman sa Zamboanga del Norte si Jackie Ruth Urongan para sa Salug Festival, at Zamboanga del Sur si Bianca Iraham ng Zamboanga Hermosa Festival.

Ang magwawaging Festival Queen ng Aliwan Fiesta 2018 ay mag-uuwi ng isandaang libong piso (P100,000) at tropeo, bukod pa sa pagiging ambassadress of goodwill ng turismo.

Gaganapin ang pageant night sa ika-27 ng Abril sa harap ng Aliw Theater sa CCP Complex, at ang coronation night ay susunod sa Grand Parade sa ika-28 ng Abril.

Ang Aliwan Fiesta ay suportado rin ng Manila Bulletin, Pride Laundry Detergent, Unique Toothpaste, White Rose Kojic Whitening Soap, Smart Dishwashing Detergent, Tanduay, Globe, Dunkin Donuts, the Tourism Promotions Board, Alaska, Columbia Canbdies, Cherry Mobile, Symdex E, Fukuda, Nature Spring, AICS, GES Lights, Steeltech, at Whiteflower Analgesic Balm.

Para sa karagdagang detalye mag-email sa [email protected] o tumawag sa 832.6125/555.3477. Maaari rin tingnan ang official page ng Aliwan Fiesta o ang website na www.aliwanfiesta.com.ph.