Personal nang nakita ni Pangulong Duterte ang Pinay domestic helper na inabuso ng kanyang amo sa Riyadh, Arabia sa hometown nito sa Davao City, nitong Sabado ng hapon.

Si Pahima Alagasi, 26, ay nagtamo ng paso sa katawan matapos siyang sabuyan ng kumukulong tubig ng kanyang amo, apat na taon na ang nakalilipas.

Umuwi siya nitong Biyernes matapos takasan ang kanyang amo at nagpagamot sa Raseel Medical Center.

Iniharap si Alagasi kay Duterte nitong Sabado ng hapon. Gayunman, ang pagkikita ay hindi bukas para sa media coverage. Sa loob ng apat na taon, tumuloy si Alagasi sa Bahay Kalinga shelter ng Philippine embassy sa Riyadh.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa kanyang pagbalik sa Pilipinas nitong Biyernes, pinasalamatan ni Alagasi si Duterte at ang iba pang opisyal ng gobyerno.

Naghain na ng reklamo si Alagasi laban sa kanyang amo. Naghain din ang kanyang amo ng counter-complaint. Gayunman, parehong ibinasura ng korte ng kaso. Ito ang dahilan kung bakit natagalan umuwi si Alagasi.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Leo Cacdac, pagkakalooban ng scholarship ang dalawang anak ni Alagasi. Samantala, nagkaloob naman ng P50,000 cash assistance ang Department of Foreign Affairs.

Ayon sa Malacañang, ang kapakanan ng mga OFW at ng iba pang Pinoy na nakatira at nagtatrabaho sa abroad ay mahalaga sa Pangulo.

Sa pakikipagpulong kay Saudi Prince Abdulaziz bin Saud bin Naif sa Malacañang noong nakaraang buwan, ipinagdiinan ni Duterte ang pangangailangan na palawakin ang kooperasyon sa iba’t ibang usapin kabilang ang seguridad, pakikipagkalakalan at pamumuhunan, gayundin ang pagsusulong sa karapatan, at ang kaligtasan ang kapakanan ng mga Pinoy. - Argyll Cyrus B. Geducos