Ni Mary Ann Santiago

Kulungan ang kinahantungan ng isang lalaki makaraang hablutin umano nito ang mamahaling cell phone ng isang performing artist habang kumukuha ng larawan sa Luneta Park sa Ermita, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Manila Police District (MPD)-Station 5 si Latorino David, 24, ng Intramuros, Manila matapos sampahan ng kasong snatching ng biktimang si Ofelia Sularte,33, ng Lajoya Village, Sta. Rosa, Laguna.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Sa imbestigasyon ni SPO1 Rhyan Rodriguez, nangyari ang insidente sa Luneta Park, dakong 8:20 ng gabi.

Kinukuhanan umano ng larawan ni Sularte ang kanyang kapwa performing artists sa naturang parke nang biglang agawin at itakbo ng suspek ang kanyang silver na iPhone 6 na nagkakahalaga ng P45,000.

Nagsisigaw sa paghingi ng tulong ang biktima na nakatawag-pansin kay Rey Madiaga, na humabol naman sa suspek hanggang sa dumating ang mga nagpapatrulyang pulis na sina Chief Insp. Arvin Creencia, PO1s Rocky Mansibang at Arnold Nuval.

Naaresto si David at nabawi umano sa kanya ang cell phone ni Sularte.