Ni Celo Lagmay

NATITIYAK ko na magkahalong galit at hapdi ng kaooban ang nadama ng halos 7,000 evacuees sa Marawi City nang sila ay payagan, sa unang pagkakataon, na dumalaw sa kani-kanilang mga tahanan. Galit, sapagkat ang kanilang dating maunlad na komunidad ay isa na ngayong wasak na siyudad o ruined city; hapdi ng kalooban, sapagkat naglaho ang pinanggagalingan ng kanilang ikinabubuhay. Ngayon, sa pahiwatig ng isang lumuluhang ginang, namamalimos na lamang sila sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Hanggang ngayon, sila ay nananatili sa mga evacuation centers.

Napapawi lamang ang kanilang pagkainip at sama ng kalooban dahil sa puspusang rehabilitasyon na isinasagawa sa siyudad. Halos isang taon ding hindi nila nasilip ang siyudad simula nang ito ay maging eksena ng malagim na digmaan sa pagitan ng ating mga pulis at sundalo at ng mga teroristang Maute Group. Ang naturang grupo ng mga rebelde ay kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Halos 1,200 katao ang namatay sa naganap na madugong bakbakan.

Ang naturang labanan, sa aking pagkakaalam, ay naging dahilan ng kabiguan ng Maute Group na makapagtatag ng Southeast Asian base ng ISIS; isa naman itong tagumpay ng ating police at military forces na humantong sa pagkakabawi at ganap na paglaya ng Marawi City.

Gayunman, marapat lamang maunawaan ng ating mga kapatid na Muslim ang dahilan ng pagbabawal sa sinuman na mamalagi sa siyudad. Maaaring hindi pa ganap na ligtas na pamayanan iyon dahil sa mapanganib na mga bomba na pinaniniwalaang ibinaon ng mga terorista sa iba’t ibang panig ng komunidad; hindi malayo na ang mga ito ay bigla na lamang sumabog at madagdagan pa ang mga biktima ng malagim na digmaan. Totoong nakaiinip ang paghihintay ng ganap na rehabilitasyon subalit katumbas naman ito ng kanilang kaligtasan.

Isa pa, hindi rin maaaring ipagwalang-bahala ang mga alegasyon na ang mga rebeldeng Maute Group ay gumagawa ng mga estratehiya sa pag-asang maipagpapatuloy ang pagsakop sa Marawi City. May mga ulat na sila ay patuloy na nangangalap ng mga kaalyado sa iba’t ibang sulok ng bansa; at may mga ulat din na ang kanilang mga kaalyadong ISIS ay lihim na nagpapalakas ng puwersa – mga misyon na natitiyak kong tinututukan ng ating police at military intelligence unit.

Sa kabila ng mabuway pang sitwasyon sa Marawi City – na pinatatag naman ng puspusang rehabilitasyon – natitiyak ko na hindi na maglalaon at masasaksihan natin ang isang siyudad na sumasagisag sa kapayapaan.