Ni REGGEE BONOAN

NANGGULAT si Sancho Vito de las Alas. Nang makapanayam kasi namin siya bago nag-Semana Santa sa launching ng Ex-Battalion bilang endorser ng Frontrow sa Ai Sarap restaurant, hindi niya binanggit na magpo-propose na pala siya sa girlfriend niyang si Shanna Retuya sa Singapore nitong Linggo ng Pagkabuhay.

sancho-vito-shanna-retuya

Nang kumustahin kasi namin sa event si Sancho, masaya niyang ikinuwento na pagkatapos ng taping niya sa FPJ’s Ang Probinsyano ay uuwi muna siya ng bahay para matulog at pagkatapos ay pupunta na siya sa Ai Sarap resto para magbantay.

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

Kay Sancho pala ang nasabing restaurant na pinondohan ng kanyang Mama Ai Ai de las Alas.

“Actually, partner kami ni Mama, pero ako po talaga ‘yung nagbabantay, ako po lahat. Hindi ko naman po kailangang pumasok ng maaga rito, basta kailangan ko pong pumunta araw-araw, “ sabi ng panganay ni Ms. A.

Nagbiro kami na napakasipag niya dahil kahit kulang sa tulog ay nagagawa niyang mag-manage ng restaurant. At take note, kung minsan ay siya ang nagluluto. Nagtapos si Sancho ng culinary arts sa CAA (Center for Culinary Arts).

Kaya ang tanong namin, ‘May plano na ba (na magpakasal)?’

“Ha-ha-ha, soon po. Mag-iipon po muna, 27 (years old) pa lang ako,” sagot niya.

‘Bata ka pa,’ sabi namin, ‘‘yung iba nga 35 years na wala pang asawa,’ na inayunan naman ng aktor.

At heto, nabasa namin ang Instagram post ni Sancho nitong Linggo na ang background ng photo ay ang Singapore Flyer: “From this day forward, you should not walk alone. My Heart will be your shelter and my arms will be your home. I love you shaning! #Engagd #HappyEaster. Engagement photo taken by @jayretuya the sommelier. thank you kuya jayjay and ate tin!”

Hindi naman itinanggi ni Sancho na nagsasama na sila sa iisang bubong ng kanyang model-girlfriend.

“Siya na po talaga, kasi magkasundo kami, parang babaeng ako. Sa lahat ng bagay, magkasundo po kami. Masaya naman po ako at masaya rin naman siya at the same time,” kuwento ng aktor.

Ngayong Disyembre 2018 nakatakda ang kasal nina Sancho at Shanna.

Kaya pala todo ipon si Sancho dahil pinaghahandaan niya ang kasal nila at siya na rin ang nagbabayad lahat ng bills nila sa bahay.

“Nakabukod na po kasi kami ng tirahan, nasa bandang likod po kami, iisang compound po ang bahay namin, magkakasama pa rin po kami nina Mama (Ai Ai at Gerald Sibayan),” pahayag pa ng binata.

Pitong buwan na si Sancho sa Ang Probinsyano. Noong una ay tatlong araw lang siya, pero in-extend siya ni Coco Martin.

“Sabi po, hanapan daw ako ng ibang role at ‘yun nga po, naibigay sa akin ‘yung role na kanang kamay ni Kuya Mark Lapid nu’ng Pulang Araw pa kami.

“Dasal lang nang dasal na sana tumagal pa kami. Akala ko po hanggang doon na lang kami nu’ng pinasabog ‘yung kampo sa bundok. Hindi ko akalain na makakatawid ako ng Manila kaya laking pasalamat ko po talaga kina Sir Deo (Endrinal) at kay Kuya Coco. At saka sobrang tinututukan po kami ni Kuya kapag nasa set. Binabantayan niya po kami ako lalo na sa acting kasi bago lang din po ako sa ABS. Si Kuya (Coco) po ang nagga-guide sa amin kapag nasa set kami,” masayang kuwento ni Sancho Vito.

Rebeldeng miyembro ng Pulang Araw (na naging Vendetta na) ang papel niya at natutuwa siya dahil hindi siya naba-bash.

“Nakakatuwa nga po kasi puro positive po lahat ng comments at lagi nilang sinusubaybayan ang Ang Probinsyano. Akala ko nga po mawawala ako kasi, di po ba, bumaba na ng bundok ang Pulang Araw? Akala ko hindi na ako kasama, kaya laking pasalamat ko talaga kay Kuya kasi kasama pa rin ako sa grupo,” aniya.

Nabanggit din ni Sancho na pang-araw-araw lang ang script na ibinibigay sa kanila kaya hindi nila alam ang takbo ng kuwento o anong mga susunod na mangyayari.

“Depende po kasi, minsan po on the spot, nire-revise ang script, depende po sa pakiramdam ni Kuya kung pasok sa takbo ng istorya. Part po kasi si Kuya sa creative ng Probinsyano. Minsan po siya rin po ang nagdidirek. ‘Yung mga pool of directors na kasama namin, kasama po si Kuya Coco ro’n,” kuwento ng aktor.

Hanggang kailan eere ang Probinsyano?

“Sabi po hanggang June, ‘yun pa lang po ang alam ko. Wala naman po kasing sinasabi sa amin.”

Hirit namin, may nabalitaan kami na hanggang 2019 pa sila.

“Ah, talaga po? Wala pong nababanggit sa amin,” saad ni Sancho