Ni Hans Amancio

Sa rehas ang bagsak ng isang lalaki makaraang magnakaw umano ng cell phone sa loob ng isang tindahan sa Maynila, nitong Sabado.

Kinilala ang suspek na si Aries Ramos, 39, miyembro umano ng Sputnik Gang, ng 1123 Esmeralda Street, Tondo ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon, binabantayan ni Dingoy Dais, 26, ang kanyang tindahan na matatagpuan sa panulukan ng Soler St. at CM Recto Avenue sa Binondo, dakong 7:15 ng gabi.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Nabatid na hiniling ni Dais sa kanyang assistant na magbantay muna sandali sa tindahan dahil lalabas muna siya para bumili ng pagkain.

Makalipas ang ilang minuto, dumating ang suspek at nagpanggap na customer saka biglang kinuha ang naka-charge na cell phone sa tindahan bago tinangkang umalis sa lugar.

Napansin naman ito ng assistant kaya agad nitong pinigil ang suspek hanggang sa pagdating ni Dais at itinurn-over sa Soler Police Community Precinct upang sampahan ng kaukulang kaso.

Narekober sa suspek ang isang OPPO A375F cell phone na nagkakahalaga ng P7,000.

Si Ramos ay nasa kustodiya ng Meisic Police Station.