Ni Kate Louise B. Javier

Naaresto ng awtoridad ang tatlo umanong drug personality, na sangkot umano sa pamamaril sa tatlong katao, sa Caloocan City nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Argin Catagan, 23; Christopher Garcia, 19; at Axle Rose Davocol, 19, pawang nakatira sa Barangay 185. Si Garcia ay bagong tinukoy na drug personality sa kanilang lugar.

Sa ulat ni PO1 Bengie Nalogoc, naglalakad si Crisel Garcia, 39, kasama ang dalawang menor de edad, nang pagbabarilin ng tatlong suspek sa St. Joseph Street, sa Bgy. 186, dakong 8:00 ng gabi.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Mabilis na tumakas ang mga suspek habang dinala sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Makalipas ang isang oras, nadakip ng mga pulis ang tatlong suspek matapos masangkot sa isang riot sa Tabon Street.

Narekober sa mga suspek ang limang bala ng kalibre .38 revolver; isang 12 gauge shotgun; at isang pakete ng hinihinalang shabu.

Ayon kay PO1 Nalogoc, positibong kinilala ng mga biktima ang mga suspek.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek, na kasalukuyang nakapiit sa Caloocan City Police, ng kaukulang kaso.