Ni Orly L. Barcala

Patay ang isang estudyante nang mauntog ang ulo sa ulo ng kaibigan nito habang lumalangoy sa swimming pool sa Valenzuela City, nitong Biyernes ng madaling araw.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) si Mark EJ Liwanag, 20, ng No. 2113 Apolonia Street, Barangay Mapulang Lupa ng nasabing lungsod, sanhi ng internal hemorrhage o pamumuuo ng dugo sa ulo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagkayayaan umano ang magkakaibigang sina Mark EJ, Isidro Siadara, Jun Reyes at John Paul Magtanggob na mag-night swimming sa Great Falls Resort sa Bgy. Maysan, Valenzuela City.

Iniulat na masayang naglalaro ang magkakaibigan sa swimming pool at nakatuntong si Mark EJ sa balikat ni John Paul, dakong 12:30 ng madaling araw.

Tumambling umano sa tubig ang biktima at aksidenteng tumama ang ulo nito sa ulo ni John Paul, dahilan upang mawalan ng malay ang una at agad isinugod sa ospital, ngunit huli na ang lahat.

Nagsasagawa ng follow-up investigation ang awtoridad kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.