Ni Danny J. Estacio

CALAUAN, Laguna - Hindi akalain ng isang pulis-Laguna na ang pagkaubos ng gasolina ng kanyang motorsiklo nito ay magiging sanhi ng kanyang kamatayan nang pagbabarilin siya ng riding-in-tandem sa Barangay Hanggan, Calauan, Laguna nitong Martes ng hapon.

Dead on the spot si PO2 Gerald Bonifacio, 34, ng Carnation Street, Belarmino Subd., Calamba City, Laguna, sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Sinabi ng Calauan Police na nangyari ang pamamaril sa national highway sa nasabing barangay, dakong 1:30 ng hapon.

Probinsya

Mag-asawang bitbit ang bangkay ng anak na sanggol, patay sa aksidente

Sa pagsisiyasat ng pulisya, pauwi na ang biktima, sakay sa motorsiklo nang biglang maubusan ito ng gasolina sa tapat ng isang garden shop.

Iniwan ng pulis ang kanyang sasakyan sa lugar at habang naghihintay ng masasakyan upang bumili ng gasolina ay biglang dumating ang isang motorsiklo, lulan ang dalawang lalaki.

Kaagad na pinaputukan ng back rider ang biktima na ikinasawi nito, habang mabilis namang tumakas ang mga suspek.

Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek.