April 13, 2026

Home BALITA Probinsya

DepEd Regional Office III, iimbestigahan alegasyon ng plagiarism sa RSPC 2026

DepEd Regional Office III, iimbestigahan alegasyon ng plagiarism sa RSPC 2026
Photo courtesy: DepEd Regional Office III, Ivan Licuanan Balmores (FB)

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) Regional Office III ang pagtanggap ng reklamo kaugnay sa umano’y insidente ng plagiarism sa katatapos lamang na 2026 Regional Schools Press Conference (RSPC).

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng tanggapan na agad nilang isinangguni ang usapin sa kanilang Legal Unit upang magsagawa ng masusing, komprehensibo, at patas na imbestigasyon.

Binigyang-diin ng DepEd na sisiguraduhin nilang masusunod ang mga alituntunin ng due process, kung saan maingat na susuriin ang lahat ng ebidensya bago maglabas ng anumang pinal na desisyon o parusa.

Ayon pa sa pahayag, nananatiling matatag ang paninindigan ng DepEd Region III sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan ng etika sa lahat ng kalahok sa kanilang mga programa. Kabilang dito ang pagbibigay-halaga sa integridad, katotohanan, at orihinalidad, lalo na sa larangan ng campus journalism.

Iginiit din ng tanggapan ang kanilang suporta sa patuloy na pagsusulong ng responsableng pamamahayag sa mga paaralan. Kasabay nito, tiniyak nila na handa silang magpatupad ng kaukulang aksyong administratibo laban sa sinumang mapapatunayang lumabag sa mga alituntunin.

Probinsya

‘One Cainta Pantry,’ muling binuhay dahil sa krisis

Sa huli, binigyang-diin ng DepEd na mahalaga ang kredibilidad ng kanilang mga programa at ang paghubog sa mga mag-aaral na mamamahayag na may pananagutan, propesyonalismo, at katapatan sa kanilang gawain.

Nag-ugat ang isyu sa isang viral Facebook post kung saan naglabas ng hinaing ang school paper adviser mula sa College of the Holy Spirit of Tarlac, sa umano'y panggagaya ng ibang paaralan mula sa City of San Jose Del Monte, Bulacan Division, sa nauna nang nanalong output nila sa  school press conference noong 2025, na nag-second place.

Ang masaklap, ang output ng inaakusahang nanggaya ay nagwaging first place sa kasalukuyang RSPC. 

Photo courtesy: Screenshots from Ivan Licuanan Balmores/FB

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang school paper adviser o kahit na sino mula sa pamunuan ng paaralang tinutukoy na umano'y nanggaya.