Ni DENNIS PRINCIPE

MABIGAT man sa damdamin na makitang maglalaban ang dalawang Pinoy sa isang world title fight, tanggap ni boxing icon Manny Pacquiao ang kapalaran na humamon sa katatagan nina IBF champion Jerwin Ancajas at Filipino challenger Jonas Sultan.

 J vs J! Walang personal para kina world champion Jerwin Ancajas (kanan) at Filipino challenger Jonas Sultan ang nakatakda nilang paghaharap para sa IBF superflyweight title defense ng una sa Las Vegas na posibleng maganap sa Mayo o kaagahan ng Hunyo. (DENNIS PRINCIPE)


J vs J! Walang personal para kina world champion Jerwin Ancajas (kanan) at Filipino challenger Jonas Sultan ang nakatakda nilang paghaharap para sa IBF superflyweight title defense ng una sa Las Vegas na posibleng maganap sa Mayo o kaagahan ng Hunyo. (DENNIS PRINCIPE)

Sa panayam matapos ang kanyang mensahe bilang panauhing pandangal sa ginanap na 18th Gabriel ‘Flash’ Elorde Memorial Awards and Banquet of Champions nitong Linggo sa Okada Hotel, iginiit ni Pacquiao na mas maiibibigan niya at ng sambayanan na makitang lalaban sina Ancajas at Sultan sa magkahiwalay na duwelo, ngunit may pantay na pagtingin at dangal para sa sambayanan.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

“Hindi maganda kasi parehong Pinoy. Pero kung ‘yun ang talagang dapat mangyari, wala na tayong magagawa,” pahayag ni Pacquiao.

Nakuha ng 26-anyos na si Sultan (14-3, 9 knockouts) ang karapatan na hamunin si Ancajas sa orihinal na fight card sa April 14 bilang undercard sa WBO world welterweight title fight sa pagitan nina champion Jeff Horn ng Australia at American Terrence Crawford sa Las Vegas, Nevada.

Ngunit, ipinagpaliban ito nang magkaroon ng pinsala ang kanang kamay ni Crawford. Bunsod nito, inaasahang tampok na laban ang duwelo nina

Ancajas at Sultan sa Mayo 26 o sa unang linggo ng Hunyo.

“Under negotiations pa pero malamang sila Jerwin at Sultan na ang main event. Baka ma-finalize na next week,” pahayag ng manager ni Ancajas na si Joven Jimenez.

Nauunawaan ng 26-anyos na si Ancajas (29-1-1, 20 KOs) ang damdamin ni Pacquiao, ngunit sinabi ng pambato ng Panabo, Davao delNorte na ‘deserving’ si Sultan para sa world title fight.

“Alam ko kasi pinagdaanan niya. Sobra din ang sakripisyo ko bago ako maging mandatory challenger kaya madali na sa akin yung bigyan siya ng pagkakataon kahit na pareho kaming Pinoy na maglaban sa world title,” pahayag ni Ancajas.

Ipinahayag naman ni Sultan ang kahandaan kontra sa kababayan na nakaharap niya ng personal sa unang pagkakataon sa araw ng Parangal ng Elorde.

“First time kami nagkita kanina, masaya ako kasi binati niya ako at sinabihan ng good luck. Basta hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ito,” sambit ni Sultan.

Ito ang ikalimang pagdepensa ni Ancajas sa IBF superflyweight crown na nakuha niya kay Puerto Rican Olympian McJoe Arroyo noong September 2016 sa Taguig City.

Naitala naman ni Sultan ang krusyal na panalo sa IBF-mandated title eliminator kontra sa kababayan ding si two-division world champion Johnriel Casimero sa nakalipa sna taon sa Cebu City.

Sa kasaysayan ng Philippine boxing, ang laban nina Ancajas at Sultan ang unang pagkakataon na nagkaharap sa world championship ang dalawang Pinoy mula nang magtuos sina world champion Pancho Villa at Clever Sencio noong 1925.