May 22, 2026

Home BALITA National

'Panic mode?' Rep. Edgar Erice, dudang seryoso pamahalaan hulihin si Zaldy Co

'Panic mode?' Rep. Edgar Erice, dudang seryoso pamahalaan hulihin si Zaldy Co
Photo courtesy: File Photo

Tila hindi naniniwala si Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na “sincere” o seryoso ang pamahalaan na mahuli si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. 

Ito ay matapos ang opisyal na pag-aanunsyo ng Department of Justice (DOJ) noong gabi ng Lunes, Abril 27, 2026, na wala na sa Czech Republic at “free” o malaya na muli si Co. 

Nagmula ang lamat sa usaping ito nang ipinaliwanag din mismo ng DOJ sa publiko noong Abril 24, na hindi umano “technically” na naaresto ng Czech Republic si Co. 

KAUGNAY NA BALITA: DOJ, inaming 'di ‘technically’ inaresto ng Czech si Zaldy Co

Ayon naman sa naging panayam ng True FM kay Erice nitong Martes, Abril 28, sinabi niyang tila raw “panic mode” kasi ang pamahalaan kapag nababanggit ang wanted na dating mambabatas. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Parang panic mode kapag nababanggit na si Zaldy Co,” pagsisimula niya. 

Ani Erice, maaari pa rin naman daw alamin ang katotohanan kahit wala si Co sa Pilipinas kung titingnan ng pamahalaan ang mga “major players” na sangkot sa korapsyon at nasa loob pa rin ng bansa. 

“Dahil sa totoo lang, kahit wala naman si Cong. Zaldy Co, kung gusto lng nating malaman ‘yong katotohanan tungkol dito pinakamalaking nakawan sa national budget at flood control, narito po ‘yong major players sa ating bansa,” aniya.

Paliwanag ni Erice, sinuri daw kasi noon ng mahistrado o ng Korte Suprema ang national budget mula 2023 hanggang 2025 at napatunayan umano nilang ginastos talaga ang unprogrammed appropriations (UAs). 

Aniya, naisumite daw sa Korte Suprema na nailabas ang UAs na ang nakapirma lang ay si dating Department of Budget Management (DBM) Sec. Mina Pangandaman at hindi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

Diin ni Erice, ganoon din daw sa lahat ng inilabas na UAs kung saan ang naturang dating kalihim lang ng DBM. 

Saad niya, hindi raw nakuwestiyon ang usaping ito sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). 

“Ito po ay hindi nakuwestiyon sa Senate Blue Ribbon Committee. Nakita ko po na talagang may pagtatakip sa imbestigasyon. Whether sa ICI at sa the Blue Ribbon Committee,” ‘ika niya. 

“Talagang ayaw malaman ng Pangulo ang katotohanan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang pamahalaan kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM