Ni Mary Ann Santiago

Tatlong katao, na magkapatid at mag-live-in partner, ang arestado sa buy-bust operation sa Barangay Nangka, Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isasampa laban kina Rene Cachila, 24, binata; kapatid niya na si Ricky Cachila, 31; at kinakasama niyang si Sophia Dumdum, 27, pawang residente ng 9 Atis Street, sa Bgy. Nangka.

Sa ulat ng Marikina City Police, inaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek sa buy-bust operation sa bahay ng mga ito, dakong 7:16 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Una rito, nakatanggap ng ulat ang awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek at ikinasa ang operasyon.

Narekober mula sa mga suspek ang limang pirasong transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at P500 buy-bust money.

Nabatid na si Rene Cachila, na umaming sangkot sa Pasay Mabuhay Manor Hotel Robbery Holdup, ang nagbigay ng impormasyon sa awtoridad upang maaresto ang umano’y gun runner na si Ramoncito Calilap, noong Marso 19, 2018, na siyang nagplano ng pagnanakaw, kasama ang isa pang kasabwat na kinilala lamang sa alyas na Mark.