Ni Kate Louise Javier

Timbuwang ang isa umanong drug user makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Jonathan Sevilla, 23, tindero, ng Barangay NBBS ng naturang lungsod, dahil sa tama ng bala sa ulo buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa inisyal na pagsisiyasat, naganap ang pamamaril sa Halaan Street sa nasabing barangay, dakong 12:35 ng madaling araw.

Pauwi at sakay si Sevilla sa kanyang bisikleta nang sumulpot ang isang armadong lalaki at binaril sa ulo ang una.

Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.

Inamin umano sa mga pulis ni Lory Sevilla, 31, kapatid ng biktima, na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang nakababatang kapatid.

Narekober kay Sevilla ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Kasalukuyang inaalam ng awtoridad kung kabilang ang biktima sa drugs watch list at sinisilip din ang anggulong love triangle sa pagpatay. Napag-alaman na nililigawan ng biktima ang isang babaeng may asawa na.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.