Ni NITZ MIRALLES
SA tweet na “Guys. Tapos na ‘yung issue na ‘to matagal na. Kalma, lapit na lumabas ‘yung peliks. Sayang energy sa bv,” pinakalma ni Direk Dan Villegas ang fans nina James Reid at Nadine Lustre na nagalit kay Direk Cathy Garcia-Molina dahil sa convo nito with a JaDine fan.
Nag-tweet kasi ang JaDine fan kay Direk Cathy ng wish na sana sa last movie niya ay ang JaDine naman ang kunin dahil magaling at napaka-professional. Sabi pa ng fan, “Natapos mo ang KN (KathNiel), LQ (LizQuen), sana JD (JaDine) naman.”
Nang sumagot si Direk ng, “Iha, talaga ba? Iba kasi ang naririnig ko galing mismo k Direk Dan V at Direk Tonet. Sorry,” nagsimula ang humabang usapan.
Nagtanong ang JaDine fan kung ano ang narinig ni Direk Cathy kina Direk Dan at Direk Tonet. Nag-suggest pa na mas maganda kung si Direk Cathy mismo ang makatrabaho ng JaDine kesa maniwala sa sabi-sabi.
Sumagot uli si Direk Cathy ng, “I think Direk Tonet has been very vocal about it in social media” at “Pero tama ka naman na hindi dapat maniwala sa sabi-sabi. Nagkataon lang na malapit kong kaibigan sila Tonet at lalo na si Dan.
Kaya hindi tsismis ang nakarating sa akin. Hindi sabi-sabi lang.”
Ayon pa kay Direk Cathy, nakatrabaho na niya si James noon sa Pintado ng ABS-CBN. Sinabihan pa ni Direk Cathy ang JaDine fan na mukha siyang nice person at inirerespeto niya ito. Gusto niya itong makausap at maging honest dito.
Ayaw nang sagutin ni Direk Cathy ang iba pang sinabi ng JaDine fan pero sinabihang sina Direk Tonet at Direk Dan na lang ang tanungin para hindi siya magmukhang tsismosa. Pero dahil na-feel na sincere ang fan, deserving daw ito sa honest answer.
Dito na sumabad sa usapan ang ibang JaDine fan, nanggugulo lang daw si Direk Cathy at pinagre-retire na ito. Ang feeling namin, nag-react si Direk Cathy sa comment na “hayop ang ugali niya”.
“Huh! Anong hayop dun sa sinabi ko? I did not mention anything. I’m so sorry. Kaya ka lang nagagalit kasi madaming nag-react from other camps. Wala namang masama sa sinabi ko? It was an honest question and an honest reply.”
‘Kaaliw ang sumunod na tweet ni Direk Cathy na, “Sorry sorry. Late ko talaga na-realize nu’ng may ibang nag-react na. Sorry talaga.”
Ang tinutukoy ni Direk Cathy na “late na-realize” ay huli na nang malaman niya na nababasa ang convo tweet nila ng JaDine fan, kaya may iba nang nagsipag-react.
Nag-sorry rin si Direk Cathy kay Direk Tonet na director ng latest movie ng JaDine na Never Not Love You at Direk Dan na involved din sa production ng Viva Films movie.
“I’m so sorry, Dan and Tonet. Nakalimutan kong posibleng lumaki ‘to. No ill intentions whatsoever. I’m so sorry nakalimutan ko na maraming nakakabasa nito. May nag-react ng iba before I realized my booboo. Sorry again.”
Binisita namin ang Instagram accounts nina Direk Tonet at Direk Dan at may ilang fans ng JaDine na galit sa kanilang dalawa. Pero sabi nga ni Direk Dan, kalimutan na na ang nangyari, mag-move on na lalo’t showing na sa March 31 ang Never Not Love You.