Nina Vanne Elaine P. Terrazola at Bert De Guzman

Nanawagan ang Senado sa gobyerno na ipagbawal ang pagpadala ng Filipino household workers sa mga bansang walang batas na magpoprotekta sa kanilang mga karapatan at kapakanan at sa mga nagpapahintulot na kumpiskahin ang kanilang mga pasaporte.

Bago magbakasyon nitong Miyerkules, pinagtibay ng Mataas na Kapulungan ang Resolution No. 676, na hinihirit ng Senado ang total ban sa deployment ng overseas Filipino household workers sa mga bansang hindi pinagkakalooban ang migrante ng pantay na karapatan at work conditions tulad ng kanilang mga mamamayan at nagpapahintulot na kumpiskahin ang Philippine passports.

Ang hakbang ay inakda ni Senate President Aquilino Pimentel III, katuwang sina Senators Antonio Trillanes IV at Emmanuel Pacquiao bilang co-authors.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sinabi ni Pimentel na ang resolution ay para rin sa household service workers, na, aniya ay “most vulnerable to abuse as their place of work is shielded from public view.”

Ipinasa naman ng House Committee on Overseas Workers Affairs nitong Miyerkules ang panukalang batas na lumikha ng handbook na naglalaman ng mga karapatan at responsibilidad ng Filipino migrant workers.

Ang panukalang “Handbook for OFWs Act of 2018,” na inakda ni Rep. Rogelio Pacquiao, ay magpapatibay sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagkakaroon nila ng sapat na kaalaman hinggil sa kanilang mga karapatan at pananagutan.