Ni Dave M. Veridiano, E.E.
DITO sa Pilipinas, hindi maitatatwang ang mga magsasaka ay isa sa itinuturing na mga yagit sa lipunan. Kaya kadalasan, ang mga reklamo nila laban sa nakaririwasa sa buhay ay ‘di pinakikinggan at napupunta lamang sa basurahan – at mas lalo pa silang nadedehado kapag ang kalaban ay may mataas na posisyon sa pamahalaan.
Ganito ang pakiramdam ng isang grupo ng mga magsasaka, mula sa bulubunduking lalawigan sa Zambales, na sa ikalawang pagkakataon ay muling lumapit sa ImbestigaDAVE upang ibulalas ang kanilang saloobin sa nakabimbin nilang reklamo laban sa mga taong gobyerno na naging instrumento umano sa pagwasak sa bahagi ng kalikasan sa kanilang lugar.
‘Di na mapalagay ang mga magsasakang sina Eduardo Ravana, Marciano Bucat, Efren Misoles at Anselma Corpuz, pawang mula sa Sta. Cruz sa Zambales, dahil usad-pagong umano ang kanilang isinampa sa Tanggapan ng Ombudsman laban kay Mines and Geosciences Bureau(MGB) assistant director Danilo Uykieng at ilang kasamahan nito.
Anila, ilang buwan na ang nakalilipas mula nang isampa nila ang kaso sa Ombudsman, subalit tila hindi umuusad ang kaso: “Bakit parang natutulog at walang nangyayari sa kaso namin? Biktima kami ng tiwaling opisyal ng gobyerno. Dapat maaksiyunan ito agad!”
Noong nakaraang taon pa nila pormal na hiniling sa Tanggapan ng Ombudsman na isuspinde si Uykieng, habang iniimbestigahan ang mga maanomalya nitong transaksiyon bilang hepe ng MGB-Region 3 noong 2011-2014.
Sa kanilang affidavit of complaint sa Ombudsman, inakusahan nila si Uykieng nang kurapsiyon at kapabayaan na nagdulot umano ng malaking kapahamakan sa mga mamamayan ng Sta. Cruz. Kasama rito ang pagkawala ng kabuhayan, pagkasira ng mga bukirin, palaisdaan at tirahan, at pagkalason ng mga ilog at sapa, at maging ang mga pinagkukunan ng tubig na maiinom.
Ang pagkawasak ng kalikasan sa pinakamamahal nilang bukirin ay dahil umano sa ilegal na pagmimina na kinunsinti ni Uykieng habang nakaupo ito bilang opisyal ng MGB sa lalawigan. Dahil sa ilegal mining, tumaas ang level ng tubig sa mga ilog at iba pang daluyan na nagdulot ng baha; pagkalason ng tubig dahil sa nickel laterites; at pagtagas ng mga nakakalasong mine tailings sa mga bukirin at palaisdaan; at pagkawasak ng mga produktong pananim at iba pa.
“Ang pagkasira ng aming kabuhayan ay tuwirang bunga ng mga korap na aktibidad ni Uykieng,” reklamo pa ng mga magsasaka. Ngunit ang ipinagtataka nila, sa halip na agad itong suspindehin, inilipat lamang ito sa ibang sangay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at umangat pa umano sa puwesto.
Ito naman ang masasabi ko sa mga opisyal ng DENR na ganito magtrato sa kanilang kawani, na kahit na patung-patong na ang reklamo ay napo-promote pa sa trabaho sa halip na mahoyo: “Magkanong dahilan ba…kaya mistulang nakasandal sa pader ang berdugong ito ng kalikasan sa Zambales?”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]