Ni ROBERT R. REQUINTINA
MISS World noon, Miss Universe na ngayon.
Magiging kinatawan ng Pilipinas ang Filipino-Australian na si Catriona Gray, 24, sa Miss Universe dahil siya ang kinoronahan sa nerve-wracking 55th Bb. Pilipinas beauty pageant na ginanap sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City nitong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.
Naging paborito ng madla si Catriona Gray, ng Oas, Albay, simula pa man noong Day 1 ng Bb. Pilipinas contest, dahil siya ang nag-stand-out sa 39 na mga kandidata.
Naging kinatawan si Gray ng Philippines sa 2016 Miss World beauty contest na ginanap sa Amerika at nakapasok siya sa Top 5.
Pambihirang maging kinatawan ang isang Filipina beauty queen sa Miss Universe pageant na naging kinatawan din ng rival pageant na Miss World.
Dumadagundong ang hiyawan ng fans ni Catriona sa Big Dome tuwing rumarampa sa entablado ang Bicolana beauty queen-blogger.
Dalawang taong magkasunod na Bicolana ang kinatawan ng bansa sa Miss Universe. Nitong nakaraang taon, naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe ang semi-finalist na si Rachel Peters nagmula naman sa Camarines Sur. Ang iba pang Bicolana Binibinis ay sina Ma. Venus Raj, Albay, 4th runner-up, 2010 Miss Universe pageant; at si Miriam Quiambao, na mula rin sa Albay, 1st runner-up, 1999 Miss Universe contest.
Wala pang kumpirmasyon ngunit maaaring sa Pilipinas ulit idaos ang 2018 Miss Universe beauty contest.
Iniuwi rin ng 5’9” stunner ang limang major special awards sa televised beauty contest. Nanalo si Catriona ng Pitoy Moreno Best in National Costume (na idinesenyo ni Jason Demavivas), Best In Swimwear, Best In Long Gown, Jag Denim Queen at Miss Ever Bilena.
Ang mga hobby ni Gray ay sketching, pagpipinta, travel, pagsusulat, photography, musika, at pagluluto. Siya ay Black belter din sa Choi Kwang Do, mahilig sa outdoor recreation at outdoor sports. Mayroon siyang boyfriend.
Siya ay unica hija, at nagtapos ng kolehiyo sa Berklee College of Music sa Boston, Massachusetts, at doon din nagkamit ng master certificate sa music theory.
*MB Readers Choice
Si Samantha Bernardo, 25, na nag-2nd runer-up ang Manila Bulletin Readers Choice awardee ngayong taon.
Nakatanggap siya ng vacation at pampering package mula sa Manila Hotel na nagkakahalaga ng P100,000, isang taong free subscription ng Manila Bulletin newspaper at P10,000 cash. Ito ay iginawad nina Manila Bulletin Public Relations Manager Badette Cunanan at Manila Bulletin External Affairs Head Mr. Barbie Atienza.
Mula si Bernardo sa Pureto Princesa sa Palawan. Sa loob ng siyam na taon, si Bernardo ay isang competitive rhythmic gymnast noong siya ay nasa elementarya at high school. Siya ang laging kinatawan sa mga national competition.
Siya ay isang culture and arts advocate at dating presidente ng Cultural Group na nagtataguyod sa tradisyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng folk dance, ang Palawan State University Sining Palawan Dance Troupe.
Noong 2013, sumali si Bernardo sa Miss World Philippines 2013 contest at naging semi-finalist. Siya rin ang nagwagi ng Best In Talent sa naturang timpalak.
*Disappointed?
Ipinahayag ng fans, karamihan ay mula sa De La Salle University (DLSU) sa Taft Avenue sa Manila, ang kanilang pagkadismaya sa social media, dahil hindi naiuwi ni Michelle Gumabao ang titulo, na naging matagumpay ang transition mula sa pagiging volleyball star sa beauty queen. Naging star player siya ng DLSU Lady Spikers mula 2012 hanggang 2013.
Inihayag ng mga tagasuporta ni Gumabao na dapat ay napagwagian niya ang mas mataas na titulo kaysa Bb. Pilipinas Globe dahil sa kanyang impresibong performance sa finals, lalo na sa Q&A portion.
Isang linggo bago ginanap ang koronasyon, naging biktima ang 25 taong gulang na beauty queen, na mula sa Quezon City, ng fake news nang iulat sa social media na hiniling umano ng organizers ng Bb. Pilipinas contest na magbitiw na siya dahil sa umano’y pagkalat ng sexy photo ng beauty queen.
Napatunayan itong peke kalaunan nang dumalo pa rin si Michelle sa pre-pageant events ng Bb. Pilipinas at sa finals.
Ang iba pang nakapag-uwi ng special awards ay sina Marie Sherry Ann Tormes, Friendship and Talent; Muriel Adrienne Orais, Miss Philippine Airlines; Gumabao, Miss Creme Silk; Patalinjug, Face of Bb. Pilipinas (Photogenic).
Ang mga kandidatang nakapasok sa Top 15 ay sina Orais, Maria Andrea Abesamis,Juliana Kapeundl, Anjame Magbitang, Edjelyn Joy Gamboa, Wynona Buot atSandra Lemonon.
Para sa first cut, ang mga binibining nakasama sa Top 25 ay sina Tormes, Ana Patricia Astrurias, Sigfrid Grace Flores, Agatha Romero, Kayesha Chua, Kristie Rose Cequena, Ena Velasco, Mary Joy De Castro, Patrizia Garcia at Trixia Marana.