Umakyat na sa lima ang mga kumpirmadong nasawi mula sa gumuhong nine-storey concrete building sa Balibago, Angeles City, Pampanga, ayon sa ulat ng Philippine Red Cross (PRC) ngayong Huwebes, Mayo 28.
Saad pa sa 7:00 AM update ng PRC, ang ikalimang casualty ay natagpuan bandang 6:18 PM noong Miyerkules, Mayo 27, at matagumpay na nakuha ng responders bandang 5:45 AM nitong Mayo 28.
Sa 47 ding nabiktima ng pagguho, 26 na ang nailigtas habang may 16 pang kasalukuyang hinahanap.
Dahil dito, sa ilalim ng pamumuno ni PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon ang Olongapo Chapter Search and Rescue (SAR) Team na binubuo ng 10 heavily-trained personnel ay kasalukuyang naka-deploy sa lugar ng trahedya kasama ang dalawang specialized service vehicles.
Nakikipagtulungan rin ang Emergency Medical Services (EMS) ng PRC sa Incident Command Post (ICP) upang matiyak na may nakaantabay na medical standby dito.
Tiniyak din ng PRC na bagama’t sarado ang evacuation center sa ngayon, sila ay mananatili sa tabi ng mga pamilya ng biktima hanggang sa bawat isa rito ay matagpuan.
Matatandaang naiulat ang pagguho sa Balibago noong Linggo, Mayo 24.
Upang matiyak din ang matagumpay na “rescue and retrieval” operations, naka-activate sa Angeles City ang Unified Command System, na pinangungunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), Philippine National Police (PNP), at City Information Office (CIO).
MAKI-BALITA: 9-storey building sa Pampanga, gumuho; ‘rescue and retrieval,’ masusing isinasagawa