Ni Mary Ann Santiago

Binawian ng buhay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isang motorcycle rider matapos nilang makasalpukan ang isang taxi sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Nalagutan ng hininga sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang angkas na si Anselmo Salomon Perez, 46, ng Old Torres, Tondo, sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Nilalapatan naman ng lunas sa Tondo General Hospital ang rider ng motorsiklo na si Ricardo Sapalo Estrella Jr., 21, ng Gregorio Perfecto Street, Tondo, na nagtamo ng ilang sugat at galos sa katawan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ni PO2 Benito Mateo Jr., ng Manila Police District–Vehicle Traffic Investigation Section (MPD-VTIS), nangyari ang insidente sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, dakong 11:45 ng gabi.

Minamaneho ni Estrella ang isang Yamaha Vega Force (NA-72174) at angkas si Perez patungong Tayuman Street nang biglang makasalubong at aksidenteng makabanggaan ang Toyota Vios taxi (UWN-835) na minamaneho ni Benjamin Dar Juan Pacheco, 68, ng Polo, Valenzuela City.

Sa lakas ng bangga, tumilapon ang dalawang sakay sa motorsiklo, habang kaagad namang naaresto si Pacheco at nahaharap ngayon sa reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property.