Nina HANS AMANCIO at MARY ANN SANTIAGO

Inuna ng mga na-trap at nasugatang empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang ibang tao sa isang “heroic fashion” sa kasagsagan ng sunog sa Waterfront Manila Pavilion Hotel nitong Linggo.

Sa pulong kahapon, sinabi nina PAGCOR Assistant Vice President (AVP) for Corporate Communications Carmelita Valdez at AVP for Entertainment Jimmy Bondoc na kahit walang utos ay gumawa ng paraan ang mga kawani ng hotel upang mailikas kaagad ang mga naka-check-in na guest.

“Sila po ang may desisyon to stay. Ilang ulit po silang kinalampag, pinalabas ng kuwarto para lumikas na. Ang malinaw dito, ang inuna nila ma-clear ‘yung mga tao, because that’s their job,” pahayag ni Valdez.

Budget ng OVP, aprub sa senado; mga senador, nagpa-pic kay VP Sara

“Inuna ‘yung mga tao in a heroic fashion,” sabi naman ni Bondoc.

Paliwanag ni Valdez, nagawa ring iligtas ng mga empleyado, ang pera ng PAGCOR, kung saan tumulong din ang survivor na si Jennilyn Figueroa.

Nilinaw naman ni Bondoc na walang kahit anong mandato ang PAGCOR na unahin ng mga kawani ang pera ng ahensiya kaysa sariling kaligtasan.

Tuluyan nang naapula kahapon ng umaga ang sunog na tumupok sa ilang bahagi ng hotel sa Ermita matapos ang 25 oras.

Lima na ang naiulat na nasawi sa sunog, at tinukoy na ang pagkakakilanlan ng mga ito sa joint press briefing ng PAGCOR, Manila Police District (MPD), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga opisyal ng Manila Pavilion.

Nasawi sina Billy De Castro, Edilberto Braga Evangelista, Marlyn Omadto, John Mark Sabido, at Cris Sabido, pawang kawani ng hotel at ng PAGCOR.

Kaagad na nasawi sa sunog nitong Linggo sina de Castro, Evangelista at Omadto, habang iniulat na nawawala sina John Mark at Cris, ngunit kahapon ay nadiskubre na ang kanilang mga bangkay.

Nilinaw naman ni Valdez na kritikal pa rin ang lagay ni Figueroa sa ospital, makaraang ma-revive nitong Linggo.

Nakaratay pa rin sa Manila Doctors Hospital ang may 16 na nasugatan, na kinabibilangan ng mga empleyado at guests.

Ipinahayag naman ni Manila Fire Supt. Jonas Silvano na dakong 8:00 ng umaga nang makontrol ang sunog at tuluyang naapula dakong 10:56 na ng umaga kahapon.

Hindi pa rin tukoy ng arson investigator ang pinagmulan ng sunog habang isinusulat ang balitang ito, bagamat napaulat na nagsimula ito sa imbakan ng construction materials sa ground floor, kung saan mayroon umanong nagaganap na welding works.

Hindi rin umano gumana ang sprinkler system ng hotel.