Ni Jeffrey G. Damicog

Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na umano’y pinaniwala ang kanyang mga biktima na matutulungan silang makalaya sa kulungan at ma-dismiss ang kanilang mga kaso sa korte.

Kinilala ni NBI Director Danter Gierran ang suspek na si Maricris Robles Yusi, nasa hustong gulang, at pinaniniwalaang miyembro ng isang sindikato ng kriminal.

Si Yusi ay dinakip ng Bulacan District Office (BULDO) ng NBI sa entrapment operation sa Malolos City nitong Marso 12, at kinasuhan ng estafa sa ilalim ng falsification of public documents.

National

Rastaman, kasama sa ‘nuisance candidates’ para sa 2025 midterm elections

Sinabi ni Gierran na inaresto si Yusi bunsod ng reklamong inihain ni Emeris Layva.

Batay sa reklamo ni Layva sa NBI, nag-alok umano si Yusi ng mga bogus na court order kapalit ng pera upang mapalaya ang kapatid na lalaki ng biktima mula sa Bulacan Provincial Jail.

Paliwanag ni Gierran, modus ng suspek na papaniwalain ang mga preso at kanilang pamilya na mayroon siyang impluwensiya sa mga hukom sa Bulacan, Public Attorney’s Office (PAO) at sa Prosecution Office upang masiguro ang kanilang paglaya at tuluyang mabasura ang kanilang mga kaso sa korte.

Samantala, kinondena ni Bulacan Regional Trial Court (RTC) Branch 11 Judge Felizardo Montero ang nasabing ilegal na aktibidad, lalo dahil nakalagay pa ang kanyang pangalan sa pekeng dokumento.

Nag-isyu na rin ng disclaimer ang PAO-Bulacan at iginiit na wala silang kinalaman sa sindikato matapos mabanggit ng suspek ang isa sa mga prosecutor.