Ni Bert de Guzman
NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute, na lumikha sa International Criminal Court (ICC). Parang kidlat sa reaksiyon ang mga kritiko ni PRRD sa pagsasabing hindi niya matatakasan ang mga akusasyon laban sa kanya—mga krimen sa sangkatauhan, kahit pa kumalas ang bansa sa ICC.
Ang ICC ang pandaigdigang hukuman na nag-iimbestiga sa mga diktador at mapaniil na lider ng mundo bunsod ng maramihan at malupit na pagpatay sa kani-kanilang bansa. Para sa ating Pangulo, dapat iurong ng Pilipinas ang ratipikasyon nito sa Rome Statute dahil sa mga walang batayang akusasyon sa kanya kaugnay ng madugong giyera sa illegal drugs.
Ikinakatuwiran ni Mano Digong na gusto niyang kumawala sa ICC bunsod ng mga bintang na extrajudicial killings at human rights violations na hinahalibas sa kanya ng mga opisyal ng United Nations at ng mga kalaban sa pulitika.
Ang pahayag sa pagkalas sa ICC ay ginawa ni PDu30 isang buwan matapos ihayag ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda na sisimulan na niya ang preliminary investigation tungkol sa mga reklamo sa Pangulo ng mga krimen sa sangkatauhan.
Tinawag niya si Fatou bilang “isang itim na babae.”
Kung si Sen. Antonio Trillanes IV ang paniniwalaan, may 20,000 na ang napapatay ng mga pulis sapul nang ilunsad ang madugong giyera nina PRRD at Gen. Bato laban sa illegal drugs. Ayon sa Philippine National Police, hindi totoo ito.
May 3,000 lang daw ang mga biktima, at sila ay napatay sa mga lehitimong operasyon.
Ganito ang pahayag ni Pres. Rody: “The accusations of these United Nations officials have the effect of painting me guilty before the eyes of the world. There appears to be a concerted effort on those aforesaid United Nations officials to paint me as a ruthless and heartless violator of human rights.”
Palagay ko ay may katwiran dito ang ating Pangulo. Ang nais niyang tukuyin na UN officials ay sina Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard, at si UN Human Rights Chief Zeid Ra’ad al Hussein. Tinawag niya si Callamard bilang “payat na babae” o undernourished.
Iginigiit ng kanyang mga kritiko at kalaban sa pulitika na ang sorpresang pahayag ni PRRD na pagkalas sa ICC ay patunay na siya ay guilty sa mga akusasyon. Noong una raw, sinabi niyang handa siyang humarap sa ICC. Handa rin daw siyang tanggapin ang UN rapporteur na mag-iimbestiga sa EJKs at HRVs, pero huwag lang si Agnes Callamard.
oOo
Nakatutuwang malaman na ang nag-top sa graduation ng 2018 Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy ngayon ay mga anak ng isang magsasaka at ng isang overseas Filipino worker (OFW).
Tinanggap ni Jaywardene Hontoria, 25, nitong Linggo mula kay PRRD ang presidential saber sa PMA graduation rites sa Baguio City. Siya ay anak ng isang magsasaka mula sa Balabag, Pavia, Iloilo. Bukod sa pagiging number one, si Hontoria ay “Baron” din ng PMA Alab-Tala (Alagad ng Lahing Binigkis ng Tapang at Lakas) Class of 2018.
Samantala, si Police Cadet Fritz John Vallador ang Number One graduate ng PNPA. Siya ay anak ng isang babaeng OFW.
Taga-Kabankalan, Negros Occidental si Vallador. Sabi niya: “Narating ko po ito kahit ako’y walang Itay. Hindi ko po siya nakita.” Ang kanyang ina, ayon sa kanya, ay nagtrabaho bilang OFW sapul nang siya ay nasa Grade 5.